MANILA, Philippines — Itinulak ni Senator Christopher “Bong” Go, tagapangulo ng committee on health and demography, ang isang panukalang batas na layong dagdagan ang mga kama sa Philippine General Hospital para maibsan ang siksikan ng mga pasyente.
Kilala rin sa kanyang krusada para sa reporma sa kalusugan, inisponsoran ni Go ang Senate Bill No. 2928 sa ilalim ng Committee Report No. 465.
Mula sa 1,334, nais ni Go na gawin hanggang 2,200 ang kama sa PGH upang mapabuti ang serbisyo sa mga pasyente nito, partikular na sa mga mahihirap.
Itinatag sa pamamagitan ng Act No. 1688 noong 1907 at binuksan noong Setyembre 1, 1910, binigyang-diin ni Go ang kritikal na papel ng PGH bilang pinakamalaking modernong tertiary hospital ng gobyerno sa Pilipinas.
Sinabi ni Go na ang PGH ay nagseserbisyo sa mahigit 700,000 pasyente taun-taon kaya matinding hamon nito, partikular ang siksikan.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH) noong Oktubre 2023, sinabi ni Go na ang PGH ay madalas na lumalampas sa kapasidad ng pagpapatakbo nito. Kadalasan aniyang lumalampas sa 200 porsiyento araw-araw ang limitasyon nito.