MANILA, Philippines — Hinikayat ng Philippine Embassy sa Amerika ang mga Pinoy na ilegal na nanatili sa nasabing bansa na makipag-ugnayan sa kanila dahil pagsisimula ng administrasyon ni President Donald Trump sa paghabol sa mga illegal aliens.
Sinabi ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, tinatayang 350,000 Filipino ang ilegal na ninirahan sa Estados Unidos.
Dagdag pa ni Romualdez, isa sa pangunahing inaalala nila ngayon ay mga Pinoy doon na matagal na at may mga pamilya, trabaho, at iba pa.
Nilinaw naman ng opisyal na ang mga nasa Amerika ng 10 taon, nagtatrabaho na at nakapag-establish na ay mayroong pag-asa na magkaroon ng permanenteng status.
Sa pagsisimula ng ikalawang termino ni Trump ay nagpahayag ito na bawasan nang malaki ang bilang ng mga migranteng pumapasok sa US at nangako na agad ititigil ang lahat ng ilegal na pagpasok sa kanilang bansa at sisimulan ang pagpapaalis sa mga kriminal na dayuhan.
Dahil dito kaya aminado si Romualdez na ang mga ilegal na Pinoy na may criminal record ay maaaring madeport, kaya payo niya sa kanila na gawin ang tama dahil ito lang ang magbibigay sa kanila ng peace of mind.
Samantala ang mga bagong dating aniya sa US, mga overstaying na dumating bilang turista ay mahihirapan na dahil isinasara na nila ang pintuan para sa kanila.