Crash course sa Maritime Zones Law, hirit sa 4K bagong rekrut ng PCG

MANILA, Philippines — Dapat sumabak sa “crash course” sa bagong-pasang Philippine Maritime Zones Act (RA 12064) ang 4,000 bagong rekrut ng Philippine Coast Guard (PCG).

Inihirit ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang mungkahi kay Commodore Algier Ricafrente, PCG spokesperson, sa kanilang pag-uusap sa regular na programa ng senador.

“Higit sa basic training at physical formations, dapat dumaan sa pag-aaral ng Philippine Maritime Zones Act ang mga bagong rekrut ng Coast Guard,” ani Tolentino, pangunahing may akda ng batas.

“Mas mauunawaan nila kung nasaan ang ­ating territorial sea, international waters, exclusive economic zone, at iba pa. Basic knowledge, pero mahalaga ito, lalo na kung may challenge halimbawa sa isang banyagang barko na pumasok sa ating teritoryo,” paliwanag niya.

Ayon kay Ricafrente, idedestino sa iba’t ibang rehiyon ang mga bagong rekrut, na magpapalakas din umano sa pwersa ng PCG, na ngayo’y aabot na sa 35,000.

Pinasalamatan din ng opisyal ang pagpasa kamakailan ng Senado sa House Bill 10841, na nagtatakda ng tatlong taong fixed term para sa PCG Commandant. Aniya, palalakasin ng panukala ang kakayahan ng pamunuan ng ahensya na malatag ng mga pangmatagalang programa na makabubuti sa maritime safety at security.

Show comments