MANILA, Philippines — Dalawa pang aspirante ang pinahintulutan ng Korte Suprema na makalahok sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Nabatid na muling nagpalabas ang Supreme Court (SC) ng Temporary Restraining Order (TRO) upang hadlangan ang ginawang pagdiskwalipika ng Commission on Elections (Comelec) sa senatorial candidate na si Francis Leo Marcos at Albay gubernatorial candidate Noel Rosal.
Ayon kay SC spokesperson Atty. Camille Ting, naglabas ang Mataas na Tribunal ng TRO laban sa mga resolusyon na inisyu ng poll body na nagsasaad na si Marcos ay isang nuisance candidate at pagbawi sa kanyang certificate of candidacy.
Naglabas din ang SC ng TRO upang hadlangan ang Comelec sa pagpapatupad ng resolusyon na nagkakansela sa COC ni Rosal.
“These TROs, they enjoin, or prevent the Comelec from implementing the resolutions considering the candidates are either disqualified or a nuisance candidate, so that means they will have to be included in the ballot,” ani SC spokesperson Atty. Camille Ting.
Inatasan din naman ng SC ang poll body na maghain ng komento sa mga petisyon nina Marcos at Rosal sa loob ng limang araw.
Kaugnay nito, sinabi ng Comelec na tatalima sila sa direktiba ng SC kahit pa magresulta ito sa pagkaantala ng ballot printing.
Nagpahayag din ito ng kumpiyansa na sa kabila ng delay, matatapos nila ang ballot printing hanggang sa target nitong April 14.