MANILA, Philippines — Bagamat walang nakikitang problema, dapat pa rin konsultahin ang mga pasahero sa mungkahing agahan ang pagpasok at pag-uwi ng mga empleyado ng gobyerno.
Sa isang ambush interview kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa Taguig City, sinabi nito na pinag-aaralan na nila ito kung uubra o hindi ang panukala ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Iginiit pa ng Pangulo na wala naman silang nakikitang dahilan para harangin ang panukala ng MMDA kung kapaki-pakinabang ito sa mga commuters.
“Yes, I saw that. Well, we’re studying it. If it works, we’ll do it. But we have to… It’s not enough to talk to the traffic enforcers and the administrators of traffic that have made the suggestion. We also have to ask the commuting public kung praktikal para sa kanila,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Kung lahat naman aniya ay payag sa mungkahi ay wala siyang nakikitang magiging problema dito.
Sa mungkahi, sa halip na 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, nais ng MMDA na gawing 7:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon ang pasok sa mga tanggapan sa gobyerno sa National Capital Region (NCR) para mabawasan ang mabigat na daloy ng trapiko.
Sa pagtaya ng MMDA nasa halos kalahating milyon ang nagtatrabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa NCR.