MANILA, Philippines — Posibleng mapalawig pa ang termino ni Philippine National Police (PNP) Chief Rommel Marbil na nakatakdang magretiro sa Pebrero.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., maaaring manatili sa puwesto si Marbil hanggang sa matapos ang eleksyon sa Mayo 2025 dahil matibay ang argumento na alanganing magpalit ng pinuno ng PNP sa kalagitnaan ng panahon ng kampanya sa eleksyon.
Dahil dito kaya pinag-aaralan na ang posibilidad na pagkatapos na ng eleksyon palitan si Marbil.
Si Marbil na miyembro ng Philippine Military Academy Sambisig Class of 1991 ay magreretiro sa Pebrero 7 pagsapit ng kanyang mandatory age retirement na 56.