MANILA, Philippines — Personal na bumisita si Senator Christopher “Bong” Go sa mga nasunugan sa Barangay 458 sa Sampaloc, Maynila upang magbigay ng agarang suporta at tulong nang sa gayo’y makarekober sa mapanirang sunog ang nasa 327 pamilyang apektado.
Nauna rito, pinuntahan at inalam din ni Go ang sitwasyon ng 67 pang pamilyang naapektuhan din hiwalay na insidente ng sunog sa Brgy. 459.
“Ang gamit ay nabibili, ang pera ay kikitain, pero ang buhay ay hindi mabibili. Ang nawalang buhay ay isang nawawalang buhay magpakailanman. Pinakamahalaga ang buhay kaya dapat nating pangalagaan ito. Tulung-tulong tayo para makabangon ang bawat pamilya,” sabi ni Senator Go sa kanyang pagbisita.
Pinangasiwaan ni Go ang pamimigay ng food packs, water containers, vitamins, masks, shirts, mattresses, basketballs, at volleyballs sa mga apektadong pamilya.
Bukod dito, ang pambansang pamahalaan, sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaang lungsod, kay 458 Barangay Captain Roberto Flores at 459 Barangay Captain Rom Acio, ay nagbigay ng iba pang uri ng tulong.
Sinamantala ng senador ang pagkakataon na ipakilala ang mga benepisyo ng Republic Act No. 11589, o ang Bureau of Fire Protection Modernization Act of 2021, na pangunahin niyang iniakda at co-sponsor.
Tinitiyak ng batas na ito ang pagpapahusay sa kakayahan sa paglaban sa sunog sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga bagong gamit, pagkuha ng mas maraming tauhan, at pag-aalok ng espesyal na pagsasanay upang mapabuti ang pagtugon sa kalamidad.