MANILA, Philippines — Sinampahan kahapon ng disbarment complaint ng mga pamilya ng extrajudicial killings (EJKs) victims at human rights advocates sa bansa, si dating Pang. Rodrigo Duterte sa Korte Suprema.
Tumanggi naman si Karapatan Secretary General Cristina Palabay na isapubliko ang nilalaman ng kanilang reklamo dahil sa sub-judice rule.
Gayunman, iginiit ni Palabay na hindi karapat-dapat na maging abogado si Duterte dahil sa umano’y mga paglabag nito sa Code of Professional Responsibility at Accountability, gayundin sa kanyang conduct unbecoming of a lawyer.
Ipinaliwanag rin ni Palabay na nagpasya silang sampahan ng disbarment ang dating pangulo matapos na sabihin ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte, na nagboluntaryo ang kanyang ama na maging abogado niya sakaling tuluyan nang umusad ang mga impeachment na inihain laban sa kanya sa Kongreso.
Kaugnay nito, umaasa naman si Palabay na kaagad na pagbibigyan ng SC ang kanilang reklamo dahil ayaw aniya nilang marinig ang dating pangulo na magsalita sa impeachment trial, gamit ang kanyang chapa bilang isang abogado at dating prosecutor.
Kabilang sa mga complainant sa reklamo si Atty. Vicente Jaime Topacio, na anak nina National Democratic Front of the Philippines (NDF) consultants Agaton Topacio at Eugenia Magpantay, na napatay sa kanilang tahanan noong Nobyembre 2020, sa ilalim ng administrasyong Duterte at mga pamilya ng mga biktima ng EJKs.