Bong Go sa PhilHealth: Unutilized funds, i-maximize para sa miyembro
MANILA, Philippines — Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng pagtiyak sa sustainability at accessibility ng mga serbisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa kabila ng kawalan ng subsidiya ng gobyerno sa budget ngayong taon.
Sa pagdinig noong Huwebes, Enero 16, ng Senate committee on health na kanyang pinamunuan, muling iginiit ni Senator Go ang kanyang hindi pagsang-ayon sa kawalan ng subsidy sa PhilHealth.
Gayunman, nanawagan siya sa ahensiya na gamitin nang epektibo ang reserba at labis na pondo nito upang mapanatili ang mga pangako nito sa mga miyembro.
“Ayaw ko talaga na ma-zero ang PhilHealth. Nag-oppose talaga ako rito. Hindi nga po ako pumirma sa bicam report,” ani Go.
Nagpahayag ng pagkabahala ang senador sa pag-aalala ng mga Pilipino, partikular ang retirees at umaasa sa PhilHealth para sa tulong medikal. Binigyang-diin niya na ang resources ng PhilHealth ay dapat na ibuhos sa paglilingkod sa mga pangangailangang pangkalusugan ng mga miyembro nito.
Direktang tinanong ni Senator Go si PhilHealth President Emmanuel Ledesma Jr., at humingi ng katiyakan na hindi magdurusa ang mga miyembro sa pagbabawas ng serbisyo sa kabila ng mga hamon sa pananalapi.
“Can you just assure the public, Sir Ledesma, that despite the zero subsidy from the national government, wala ba silang dapat ipangamba sa serbisyo na ibibigay n’yo ngayong taong ito? At hindi ba sila dapat matakot magpaospital? Mas papalawakin n’yo pa ang inyong serbisyo ngayon?” tanong ni Senator Go.
Bilang tugon, tiniyak ni Ledesma, “Yes, Mr. Chair. We can assure each and every member of PhilHealth that ‘wag po kayong mag-alala, ‘wag po kayong matakot pumunta sa hospital. As a doctor, sagot po kayo ng PhilHealth. Rest assured. Importante rito, meron silang masasandalan.”
- Latest