DOE: Problema sa transmission projects ‘di pwedeng isisi lahat sa NGCP

Ipinaliwanag ni Energy Undersecretary Sharon Garin na maraming kadahilanan ang naging sanhi ng pagkakaantala na tinukoy ang nabimbing pag-aapruba dito ng Energy Regulatory Commission (ERC) at maging ang ‘rights of way’ ng mga landowners at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
PNA photo by Ben Briones

MANILA, Philippines — Dinepensahan ng Department of Energy (DOE) ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa pagsasabing hindi dapat na ito lamang ang pagbuntunan ng sisi sa pagkakaantala sa sari-saring transmission projects.

Ipinaliwanag ni Energy Undersecretary Sharon Garin na maraming kadahilanan ang naging sanhi ng pagkakaantala na tinukoy ang nabimbing pag-aapruba dito ng Energy Regulatory Commission (ERC) at maging ang ‘rights of way’ ng mga landowners at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

“Sa right of way meron pa. There are cases that have pending ERC approval also. It’s a culmination of everything, like sa Panay, there’s an issue with the owner and the DENR,” punto ni Undersecretary Sharon Garin sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises.

Sinangayunan naman ng ilang mambabatas ang isiniwalat ni Garin kung saan iginiit ni Philreca Partylist Rep. Presley de Jesus na dahil dito ay unfair na ibunton ang lahat ng sisi sa NGCP sa pagkakaantala ng naturang mga proyekto.

“In short, hindi lang ito solely fault ng NGCP, just to make it clear. Ang masama rito, we’re not trying to defend NGCP. We’re trying to level the playing field. Kasi ang dating, kasalanan ng NGCP kung bakit maraming delays,” punto ni de Jesus.

“But straight from the horse’s mouth, sabi mo may problema ERC at may pending pa sa korte,” dagdag nito na iginiit ang kahalagahan na maipursige ang transmission projects para mapababa ang presyo ng kuryente.

“Ano ba ang purpose natin, pababain ang presyo ng kuryente o we just blame one element of the energy family?”, giit ng solon. Nangako naman ang NGCP na isusumite sa komite ang paliwanag sa pagkakaantala ng transmission projects.

Show comments