4-year term ng barangay SK officials lusot sa Senado
MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Senado ang bagong termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) na gagawin ng apat na taon.
Sa plenary session nitong Lunes, 22 senador ang bumoto pabor sa panukalang batas, walang abstention at negative votes.
Sa ilalim ng panukala, ang termino ng panunungkulan ng lahat ng halal na opisyal ng barangay at miyembro ng SK ay dapat na apat na taon.
Wala ring halal na opisyal ng barangay ang dapat maglingkod ng higit sa tatlong magkakasunod na termino sa parehong posisyon. Ang kusang-loob na pagbibitiw sa tungkulin sa anumang haba ng panahon ay hindi dapat ituring bilang isang pagkaantala sa pagpapatuloy ng serbisyo para sa isang buong termino.
Nakasaad din sa panukala na “ang susunod na regular na barangay at SK elections ay gaganapin sa unang Lunes ng Oktubre 2027 at bawat apat na taon pagkatapos noon.
Kapag naging batas, lahat ng nanunungkulan na opisyal ng barangay at miyembro ng SK ay mananatili sa puwesto maliban kung mas maagang maalis o masuspinde.
Ang mga kasalukuyang elective na opisyal ng barangay na naglilingkod sa kanilang ikatlong sunod na termino sa parehong posisyon ay hindi maaaring tumakbo para sa parehong posisyon sa Oktubre 2027 Barangay at SK elections.
- Latest