MANILA, Philippines — Dismayado sa nabawasang pondo para sa mahahalagang programa at serbisyo, nangako si dating Senador Bam Aquino na titiyaking sapat na pondo para sa edukasyon, kalusugan, at serbisyong panlipunan sa mga susunod na pambansang budget kapag nanalo bilang senador sa 2025. "Hindi ko matanggap na bumaba yung budget ng mga ito.
Kung bibigyan ng pagkakataon, uunahin talaga natin ang budget. Itong nakaraang budget, ang hirap talagang tanggapin na mayroong cuts sa edukasyon, sa kalusugan, at sa DSWD, pati na sa computerization program ng DepEd," wika ng dating Senador. "Dapat siguraduhin natin na sa budget sa susunod na taon, maibabalik ang mga pondong iyon at mas palakihin pa ang pondong talagang kailangan ng tao," dagdag pa niya.
Partikular na nadismaya ang dating mambabatas sa P3-bilyong bawas sa pondo para sa batas sa libreng kolehiyo na kanyang isinulong bilang chairperson ng Senate Committee on Education.
Kung muling mahahalal sa Senado, nangako si Aquino na palalawakin ang Free College Law at titiyakin na may trabahong naghihintay sa mga magtatapos ng kolehiyo. "Titiyakin nating lumalawak ang programa, mas maraming kabataan ang makikinabang dito at magkakaroon ng quality education upang makakuha sila ng siguradong trabaho na puwede nilang ipagmalaki.
Iyong maganda ang sahod na makakatulong sa kanila at sa kanilang pamilya," ani Aquino. Samantala, sinabi ni Aquino na ang pagbura sa katiwalian at mga kartel ay susi sa pagbaba ng presyo ng bilihin. "Kung pinag-uusapan ang kataasan ng presyo ng bilihin, ang unang dapat gawin ay tugisin ang katiwalian sa importasyon at sa mga pantalan at tuldukan ang mga kartel na nagkokontrol ng presyo ng pagkain natin," ani Aquino. Sinabi ni Aquino na bababa ang presyo ng bilihin mula 10 hanggang 20 porsyento kung maalis ang katiwalian sa mga pantalan ng bansa.