MANILA, Philippines — Tiniyak ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na sasailalim sa lifestyle check ang mga pulis na sangkot sa P6.7 bilyong illegal drugs na nasabat noong 2022 sa Maynila.
Ayon kay Remulla, dito malalaman kung sinu-sinong mga pulis ang nakinabang sa mga huling illegal drugs matapos na magkaroon umano ng nakawan.
Nabatid na nasa 1. 5 toneladang droga ang nasamsam ng mga tauhan ng PNP-Drug Enforcement Group subalit sa deklarasyon ng mga operating units nasa 990 kilo na lamang ang nakuha mula kina PMSG Rodolfo Mayo at isang Nelly Atadero.
Batay sa natuklasan ng DILG at National Police Commission (NAPOLCOM) sa kanilang imbestigasyon, kapag may malakihang huli sa illegal na droga, maliit na bahagi lamang nito ang ipapakita sa kanilang report at ang natira ay itatabi at ilalagay sa bodega at nagtatakipan sa kanilang mga ginagawa.
Naging practice aniya ito ng mga ninja cop kaya panahon na para habulin ang lahat ng mga ninja cop na ginagawang negosyo ang kanilang nahuhuling illegal na droga. Nagagamit din ito sa pagkuha ng reward at promosyon.
Una nang sinabi ni Remulla na iimbestigahan nila ang mga drug haul mula 2016 hanggang 2022.