MANILA, Philippines — Nagpiyansa ang dalawang dating mataas na opisyal ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) para sa 4 counts ng graft na isinampa ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y iregularidad sa P2-bilyong vessel monitoring system (VMS) project noong 2018.
Naglagak ng tig-P360,000 piyansa sina dating DA Undersecretary for Fisheries at BFAR National Director Eduardo B. Gongona at dating BFAR National Director Demosthenes R. Escoto sa Antipolo City Regional Trial Court (RTC) para sa pansamantala nilang kalayaan. Itinakda ng korte ang arraignment sa Enero 22 at pre-trial sa Pebrero 26.
Sina Gongona at Escoto ay kinasuhan ng dalawang paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act (RA) No. 3019 o “Anti-Graft and Corrupt Practices Act”, at tig-isang paglabag sa Sections 3(g) at 3(j) dahil sa umano’y maling paggawad ng kontrata sa isang British company. Kabilang din sa akusado si Simon Tucker, CEO ng UK-based SRT Marine Systems Solutions Ltd (SRT-UK).
Nagpiyansa sina Gongona at Escoto noong Enero 6 matapos maglabas ng arrest warrants ang Antipolo RTC. Orihinal na isinampa ang kaso sa Quezon City RTC noong Disyembre 3 ngunit inilipat sa Antipolo RTC dahil sa jurisdiction issue.
Nagmula ang mga kasong graft sa reklamong inihain ni Atty. James Mier Victoriano.
Batay sa records, ang VMS project na orihinal na nagkakahalagang P1.6 bilyon ay popondohan sana ng pautang mula sa French government pero kailangang French ang bidder o bahagi siya ng isang joint venture kasama ang isang French entity.
Noong 2017, nanalo ang SRT-France, subsidiary ng SRT-UK, sa bidding ngunit na-disqualify ito ng pamahalaan ng France dahil British ang nagmamay-ari at sa kawalan ng operational facilities sa France. Dahil dito, natigil ang loan agreement.
Noong 2018, inilipat sa lokal na pondo ang proyekto at itinaas ang budget sa P2.09 bilyon. Sa parehong taon, iginawad ang kontrata sa SRT-UK. Mula sa orihinal na 3,736 VMS transceivers ay naging 5,000 na ito, at isinama ang satellite service subscriptions, na nagdulot ng karagdagang gastos sa gobyerno.