MANILA, Philippines — Inutos ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang malawakang imbestigasyon sa mga paghuli sa iligal na droga kung saan tila may sabwatan o “grand conspiracy“ simula nang ipatupad ang reward system noong 2016.
Ang kautusan ni Remulla ay kasunod nang inilabas na desisyon ng Department of Justice (DOJ) na pagsasampa ng kasong kriminal laban sa 30 pulis kabilang ang dalawang heneral na sangkot sa 900 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon noong 2022.
‘’Yes, we will go back to 2016 all the way down to 2022... it is our theory, but not proven, na dahil sa reward system na ginawa na instituted by the PNP when 2016 started, ang drug haul ay ‘di nirereport at dahil may reward, kukuha sila ng tingi ilalagay doon, may reward, may accomplishment,’’ ani Remulla.
Paliwanag pa ni Remulla na ang drug haul ay ang pagsasagawa ng drug bust operations ng mga pulis, pagrereport sa kanilang accomplishments at pagbibigay ng reward at promosyon sa mga nagsagawa ng operasyon subalit ang pagprisinta lang ng maliit na porsiyento ng nakumpiskang droga subalit ang malaking bulto nito ay itinatago.
Lumilitaw din na naging normal at ordinaryo ang sistema ng pagkakaroon ng bodega, pagkuha, pag-aresto, reward at promosyon.
Ayon pa kay Remulla na base sa inisyal na imbestigasyon ng Napolcom, nagkaroon din ng pagtatakip o cover-up sa maling pag-aresto sa mga suspek o subject ng drug operations.
Samantala, sinabi ni Remulla na hindi pa rin lusot si dating PNP chief Rodolfo Azurin sa “tanim ebidensiya” sa P6.7 bilyong shabu.
Hindi nakasama si dating PNP Chief Azurin sa kinasuhan dahil retirado na ito noong panahon na naghe-hearing sila.
“There seems to be a grand conspiracy to conceal a criminal enterprise, tingnan n’yo ang kaso from seargeant to PNP Chief kasama lahat sa kwento,” ayon pa sa kalihim.