MANILA, Philippines — Tumutok sa maritime, economic at technology cooperation ang trilateral phone call meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Ishiba Shigeru.
Sa naganap din trilateral phone call, nangako ang tatlong lider na palalakasin pa ang ugnayan ng Pilipinas, Amerika at Japan.
Tiwala naman si Marcos na magtutulungan ang tatlong bansa para mas lalo pang mapalalim ang ugnayan.
Nauna nang nagkaroon ng trilateral summit sina Pangulong Marcos, Biden at dating Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa Washington, DC, noong Abril 11, 2024 kung saan muling tiniyak ang mapayapa, secure at prosperous na Indo-Pacific na naka-angkla sa demokrasya, rule of law, at human rights.
Ayon kay Marcos, ang adoption ng Trilateral Joint Vision Statement noong Abril ay isang malaking progress sa pagpapatupad ng bilateral at trilateral cooperation ng tatlong bansa.
Sinang-ayunan naman ni Biden ang pahayag ni Marcos at sinabing nagkaroon ng historic progress ang Trilateral Summit lalo na sa usapin sa maritime security, economic security, at technology cooperation.
Pinuri naman ni Biden si Marcos sa diplomasyang pamamaraan sa pagtugon sa pagiging agresibo ng China sa South China Sea.
Binigyang diin naman ni Ishiba ang kahalagahan ng pagpapalalim ng trilateral cooperation ng tatlong bansa.