MANILA, Philippines — Binalaan ng Department of Migrant Workers (DWM) ang mga OFWs laban sa ‘third country recruitment’ schemes ng mga illegal recruiters at mga sindikatong gumagamit ng social media platforms upang makapambiktima.
Ito’y matapos na makatanggap sila ng ulat mula sa Philippine Embassy sa Abuja, Nigeria hinggil sa posibleng human trafficking incidents na kinasasangkutan ng mga Pinoy sa Nigeria at iba pang bansa sa West Africa.
Base sa ulat, isang grupo ng mga Pinoy ang inaresto sa Abuja at Lagos matapos na akusahang sangkot sa cybercrime, economic sabotage at paglabag sa Nigerian immigration laws.
Ang mga naturang Pinoy ay ni-recruit umano na bumiyahe sa Nigeria mula sa Dubai, United Arab Emirates, gamit lang ang tourist visa at pinaniwalaang ang kanilang permits ay ipuproseso pagdating nila sa naturang bansa.
Gayunman, nilinaw ng DMW na hindi pinahihintulutan ng Nigerian government ang pagpapalit ng tourist visas para sa pagtatrabaho doon.
Upang makapagtrabaho sa Nigeria, kailangan munang kumuha ng isang Pinoy ng Subject to Regularization (STR) visa mula sa Nigerian Embassy sa Pilipinas.
Ipinabatid rin ng DMW sa publiko na ang recruitment sa pamamagitan ng third country ay ikinukonsiderang ilegal, kung ang recruiter o employer ay walang awtorisasyon mula sa pamahalaan.