AFP: Wala ng ‘Alice Guo’ sa 2025 polls

Dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo faces the Senate probe on illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) on September 9, 2024.

MANILA, Philippines — Nakatakdang isumite ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang resulta ng inilargang background check sa mga kandidato sa Commission on Elections (Comelec) bago ganapin ang midterm elections sa bansa sa Mayo 2025.

Layon ng background check na wala ng makalusot na tulad ni Alice Guo na nahalal na alkalde ng Bamban, Tarlac noong Mayo 2022 matapos na umano’y mameke ng mga dokumento at nabisto ang kaugnayan sa illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs ) sa bansa.

Sinabi ni AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr., ang background check ay alinsunod sa kahilingan ng Comelec na maging malinis ang eleksiyon at maprotektahan ang mga balota sa impluwensya ng mga dayuhan.

Sabi ni Brawner, sa pamamagitan ng kanilang intelligence ope­rations ay isinasagawa ang background chec­king sa mga kandidato.

Sa oras aniya na ma­kitaan ang mga ito ng red flag ay agad nilang ipapaalam sa Comelec para sa kaukulang aksiyon.

Ayon kay AFP spokesman Col. Francel Margareth Padilla, target nilang tapusin ang background check sa mga kandidato bago ang midterm elections.

“It will depend kung gaano ang extent ng ating intelligence gathe­ring,” pahayag ni Padilla.

Nakikipagkoordinas­yon ang AFP sa PNP sa isinasagawang background check sa mga kandidato.

Una nang sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, na isa sa mga iniiwasan nila ang magkaroon ng foreign funding na maaa­ring magamit ng mga kandidato para sa vote buying.

Show comments