Chinese luminya na sa kidnapping - PNP
MANILA, Philippines — Malaki ang posibilidad na luminya na sa pangingidnap ng mga negosyante ang ilang mga Chinese nationals matapos na magsara ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa.
Ito’y ayon kay Philippine National Police Regional Office 3 Director PBrig. Gen. Jean Fajardo kaugnay ng insidente ng kidnapping sa Maynila, Bulacan at Calabarzon.
“Iyan ang isa sa ina-anticipate namin dahil nga wala na, effective Dec. 31, wala nang POGO,” ani Fajardo.
Ayon kay Fajardo, nakipag-ugnayan na sila sa anti-kidnapping group kasunod ng mga kidnapping incidents sa mga Chinese national kung saan lumilitaw na kapwa Chinese ang nagpakidnap.
“Ang nakakalungkot nga bagamat ‘yung iba ay na-release dahil nagbayad ng ransom, released unharmed, pero ‘yung iba may napatay. Based sa ating datos, ‘yung iba ay napatay or still missing,” dagdag pa ni Fajardo.
Dahil sa pagsasara ng POGO gumagawa umano ng paraan ang ibang Chinese kung saan pangingidnap sa mga Chinese na nag-operate ng malilit na POGO.
“Ine-expect natin ‘yung guerrilla operations ng mga maliliit (na POGOs) dahil nag-aagawan ng turf ‘yan ay talaga ay maaring sila sila ang magsakitan dito,” dagdag pa ni Fajardo.
Tiniyak ni Fajardo na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Philippine Amusements and Gaming Corp. at sa Presidential Anti-Organized Crime Commission laban sa mga nananatiling illegal POGO sa bansa.
- Latest