^

Bansa

Murang bigas ipinalaganap ni PBBM sa merkado: Pangarap na food program nakamtan

Pilipino Star Ngayon
Murang bigas ipinalaganap ni PBBM sa merkado: Pangarap na food program nakamtan
Inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Kadiwa ng Pangulo sa Provincial Capitol Ground sa Brgy. Dalakit, Catarman, Northern Samar noong Hulyo 15, 2023.
PCO

MANILA, Philippines — Ang isang mundo na puno ng mga kaugalian at malayang palitan sa merkado ay nakakalimot minsan sa tunay na mga serbisyo at programang tunay na idinisenyo para sa kapakanan ng mga mahihirap o yaong may kakulangan sa buhay.

Maganda ang malayang kalakalan ngunit nasa kamay din ng gobyerno ang paggamit ng malikhaing pamamaraan upang maibigay ang pinakamaaabot-kayang mga produkto para sa mga mamamayan nito.

Sa harap ng kasalukuyang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa buong mundo, si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nang siya ay maupo sa pwesto noong 2022, ay agad na naglunsad ng isang programa na naglalayong gawing institusyonal ang pamamahagi ng pinakamahalagang bilihin para sa mga Pilipino—ang mga pagkain.

Mapanlikhang patakaran sa pamamahala

Kaya nga nilikha o binuhay ang programang kilala bilang Kadiwa.

Bilang ekonomista, naiisip ni Pangulong Marcos ang isang sistema na ang mga produkto ng mga magsasaka ay direktang nakakarating sa hapag-kainan ng mga pamilyang Pilipino nang hindi na dadaan sa mga middle men na nakakapagpataas ng mga presyo nito. Nilikha niya ang direktang kuneksyon ng mga lokal na magsasaka at mga konsiyumer na nagpabago sa karaniwan nang mekanismo ng distribusyon sa bansa.

Hindi ito basta bilihan at bentahan. Isa itong pagbibigay-lakas sa mga pamayanan, pagpapasigla sa lokal na ekonomiya at ginagawang abot-kaya ng lahat ang mga pagkain.

Nasa pusod ng pagsisikap na ito ang Kadiwa ng Pangulo Program (KNP) ni Presidente Marcos na isang direktang marketing platform na binuo para paglapitin ang mga farm producers at maliliit na may-ari ng negosyo.

Tinitiyak ng KNP ang seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng mga produktong agrikultural at ibang pangunahing bilihin na madaling makukuha at abot-kaya ng bulsa ng mahihirap.

Ang programang pinangungunahan ng Department of Agriculture ay tumutugma sa layunin ng Pangulo na matamo ang seguridad sa pagkain sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalago sa sektor ng agrikultura habang pinapalakas ang supply chain sa bansa. Inilalaan sa mga magsasaka at mangingisda ang pamilihan para direkta nilang maibenta ang kanilang mga produkto sa mga konsiyumer sa mas murang halaga.

Bumisita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Kadiwa ng Pangulo outlet sa South Cotabato Sports Complex sa Koronadal City noong Hunyo 14, 2023. Ipinakita ng outlet ang abot-kaya, de-kalidad na mga produkto mula sa mga lokal na magsasaka, mangingisda at negosyante. (Larawan mula sa PCO)
PCO

“Katuwang ang mga lokal na pamahalaan, dinadagdagan pa natin ang mga KADIWA sa iba’t ibang panig ng bansa. Higit sa lahat, layunin nating gawing permanente rin at mas madalas pa ang pagdaraos ng mga KADIWA,” pahayag ng Pangulo sa kanyang third State of the Nation Address.

Dahil din sa programa kaya bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho habang patuloy na bumabangon ang bansa mula sa pananalasa ng pandemya ng COVID-19.

Kabilang sa nawalan ng trabaho noong pandemya si Geoffrey Daga na nagmula sa Leyte. Natanggal siya bilang assistant cameraman ng isang international media company na 17 taon niyang pinagtrabahuhan. Dahil kailangan niyang kumita at suportahan ang kanyang pamilya, bumalik siya sa kanyang pinagmulan—ang pagsasaka.

Maliit na bata pa lang si Daga ay nagtatanim at nagbebenta na siya ng mga gulay at, sa nagdaang dalawang taon, sila ng kanyang pamilya ay nagbebenta ng kanilang mga pananim sa lingguhang KNP sa labas ng Philippine Coconut Authority regional office sa Palo, Leyte.

“Malaking tulong ito dahil wala nang middlemen, lumaki ang kita ng aming pamilya. Bago kami sumali sa Kadiwa, ang benta namin ay umaabot sa kabuuang P300 hanggang P400 araw-araw pero, ngayon, tumataas na ito ng hanggang P10,000 araw-araw,” pagbabahagi ni Daga.

Sinabi naman ni New Kawayan Farmers Association in Leyte President Maria Rhodora Valez na noong wala pang Kadiwa ay kumikita lang sila ng P30 para sa bawat kilo ng ampalaaya na ibinebenta nila sa mga traders. Ibinebenta naman ito ng mga traders sa mga konsiyumer sa halagang P60 bawat kilo.

“Sa Kadiwa, direkta naming naibebenta sa mga mamimili ang ampalaya sa halagang P40. Kapag araw ng sahod ng mga empleyado ng pamahalaan, kumikita kami ng hanggangn P30,000 sa loob lamang ng dalawang araw,” salaysay ni Valez.

Pero kahit ang mga konsiyumer ay nakikinabang sa programa dahil nakakabili rin sila ng mas murang mga bilihin tulad ng sa bigas, gulay, prutas at karne.

Batay sa huling price monitoring report ng PSA na ipinalabas noong Disyembre 16, ang isang kilo ng well-milled rice sa pambansang antas ay P54 kada kilo sa unang linggo ng Disyembre.

Sa Kadiwa stores sa maraming bahagi ng bansa, ang pamahalaan ay nakakapagbenta ng mas murang bigas sa ilalim ng  “P29” at “Rice for All” programs nito.

Layunin ng P29 na makapagbigay ng murang may kalidad na bigas sa halagang P29 sa mga vulnerable household sa bansa tulad ng mga 4Ps beneficiaries, senior citizens, persons with disabilities, solo parents at indigenous people.

Hanggang 10 kilo kada buwan

Samantala, ang “Rice for All” program ay nagbebenta ng well-milled rice sa halagang P40 bawat kilo na maaaring bilhin ng bawat Pilipino sa daily limit na 25 kilo.

“Para sa akin, mura po yung bigas dito sa Kadiwa. At ‘yun po ang malaking tulong ng ating pangulo, at malaking tulong po sa aming pamilya rin. Kung sa grocery, ang nabili ko dati may mga P60 o P55. Pero dito sa Kadiwa, napakamura at malaking tulong na po ang nagawa ng ating pangulo,” sabi ng isang titser na nakabili ng bigas sa isang tindahan ng Kadiwa.

Mabibili rin sa mga tindahan ng Kadiwa sa buong bansa ang ibang produktong akrikultural tulad ng mga prutas, gulay at karne.

“Mas mura po yung mga bilihin dito at mas afford po ng mga tao. Bigas, mga sibuyas, nasa worth P500 lang po, marami na po yung nabili namin. Kahit yung sa onion po, nasa P200 na po yung kilo sa labas. Dito po P60 yung kilo lang yung onion natin dito,” sabi naman ng isa pang kustomer.

Inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Kadiwa ng Pangulo para sa mga manggagawa sa Quezon City noong Marso 8, 2023. Ang outlet, na matatagpuan sa TUCP Compound, ay nag-aalok ng may diskwentong sariwang ani, karne, prutas, bigas at mga kalakal mula sa buong bansa bilang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na suportahan ang mga manggagawang Pilipino at palakasin ang ekonomiya.
PCO

Daan tungo sa seguridad sa pagkain

Ang pagtatatag ng mga KNP outlet sa bansa ay isa lang sa mga hakbang ng administrasyon ni Presidente Marcos para matamo ang seguridad sa pagkain sa Pilipinas.

Sinaksihan ni Pangulong Marcos sa kanyang pagbisita sa San Fernando City, Pampanga noong Hulyo 17, 2023 ang paglagda sa memorandum of agreement (MOA) na nagpapatatag sa mga KNP sa mga local government units (LGUs)  sa buong bansa.

“Ito’y isa na namang magandang halimbawa na kapag nagtutulungan ang bawat sangay ng gobyerno, ang national government at local government units ay talagang makakatulong at magiging matagumpay ang ating mga ginagawang programa. Kaya asahan pa po ninyo na palalakasan natin ang ating produksyon ng agriculture products,” saad ng Pangulo.

Kabilang sa pumirma sa MOA ang DA, Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Presidential Communications Office (PCO), at ang Presidential Management Staff (PMS).

Nabatid kay DA Assistant Secretary for Agribusiness, Marketing and Consumer Affairs Atty. Genevieve Velicaria-Guevarra na meron nang 108 KNP centers at 287 KNP outlet sa iba’t-ibang bahagi ng bansa hanggang noong Nobyembre 28 ng nakaraang taon.

“Under po sa leadership ng ating Secretary, of course, under the guidance of our president, balak po natin talagang i-expand o paramihin pa ang mga Kadiwa ng Pangulo centers at stores nationwide dahil nga po dito talaga makakabili ng mas mura at gusto sana natin na mas accessible po ito,” sabi ni Atty. Velicaria-Guevarra.

“Gusto po sana natin na ito pong mga stores na ito ay mapalawig pa para po yung mas available po natin na murang bigas at mga murang bilihin ay mas maging accessible pa sa ating mga mamimili.”

Sa isang episode ng Malacañang Insider noong Agosto ng nakaraang taon, ipinahayag ni Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr. na plano ng pamahalaan na dagdagan ang mga KNP centers at outlet at isapamantayan ang oras at araw ng operasyon ng mga ito.

“Kapag na-establish na naman iyong smooth logistics flow ng goods at saka iyong takbo ng transaksiyon ay i-eexpand na natin iyan in the next four years up to—ang target ko is 800 to 1,000 stores,” sabi ni Secretary Tiu Laurel.

Kaugnay nito, sa isang pakikipagpulong sa DA at sa National Irrigation Administration, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang paggamit ng bilyong pisong alokayon ng P29 program para sa Rice for All Program sa pagpondo sa logistics repair at rehabilitation ng mga pasilidad at bodega ng pamahalaan na maaaring pagtayuan ng mga KADIWA centers.

Inaasahang makikinabang sa rehabilitasyon ang dagdag na 2.3 milyong Pilipino sa una nitong paggulong.

Bukod dito, meron ding mga Kadiwa on Wheels—mga mobile market na direktang  nagdadala ng mga sariwang produkto sa iba’t-ibang komunidad at barangay.

 


Editor's Note: This press release for the Presidential Communications Office is not covered by Philstar.com's editorial guidelines.


 

PRESIDENTIAL COMMUNICATIONS OFFICE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with