5 katao na gumagawa ng singsing gamit P10 barya dinakip

Ayon sa BSP, ibi­nebenta sa halagang P1,500 bawat isa ang mga gawang singsing mula sa barya.

MANILA, Philippines — Laglag sa mga opera­tiba ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at pulisya ang limang miyembro ng grupong gumagawa umano ng singsing mula sa P10 barya sa Paliton Beach, San Juan, Siquijor nitong Lunes, Enero 6.

Ayon sa BSP, ibi­nebenta sa halagang P1,500 bawat isa ang mga gawang singsing mula sa barya.

Sinabi ni Mark Fajardo, senior investigation officer ng BSP-Payments and Currency Investigation Group, nagsagawa sila ng test buy at nadiskubreng nag-o-offer ang mga suspek sa mga foreigners.

Kaya umanong gawin ng grupo ang singsing sa loob lang ng 40 minuto.

Gawa sa aluminum bronze ang inner core habang copper-nickel naman ang outer core ng P10 barya.

“Sabi nila in one day nakakagawa sila ng 20 to 30 jewelry rings out of dun sa P10 coin na ito. Sisirain nila ito, tatanggalin nila yung inner core and then gagawa sila ng ring sa inner core na iyon,” ani Fajardo.

Kumikita ng halos P50,000 kada araw ang grupo.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 247 ang mga suspek dahil sa pagsira nila sa mga legal tender coins.

Nasa kustodiya na ng San Juan Municipal Police Station sa Siquijor ang mga naarestong suspek.

Show comments