Turnover ng SHC sa Midsayap, pinangunahan ni Sen. Go

MANILA, Philippines — Nakiisa si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, sa turnover ng Super Health Center noong Huwebes, Enero 9, sa Barangay Poblacion 3, Midsayap, North Cotabato.

Sa kanyang talumpati, ikinagalak ng senador ang turnover ng Super Health Center na aniya’y isang mahalagang paglilingkod sa komunidad para mailapit ang pangangalagang pangkalusugan sa mga tao.

Ayon kay Go, isang hamon sa mga residente ang magkaroon ng access sa mga pangunahing serbisyong pangkalusugan dahil sa layo ng mga pasilidad.

Kaya naman patuloy niyang isinusulong ang pagtatayo ng mas marami pang Super Health Centers sa buong bansa.

Ang Super Health Centers ay nag-aalok ng mga serbisyo, kabilang ang database management, outpatient care, birthing facility, isolation room, diagnostic services (laboratory tests, X-ray, at ultrasound), pharmacy services, at ambulatory surgical units. Kasama rin sa serbisyo ang pangangalaga sa mata, tainga, ilong, at lalamunan (EENT), mga oncology center, physical therapy, rehabilitation center, at telemedicine.

Bukod sa Super Health Centers, isa rin sa mga pangunahing programa ni Go ang Malasakit Centers.

Kasabay nito, namahagi ang senador ng food packs sa 100 barangay health workers na dumalo bilang pasasalamat at suporta sa kanila.

Show comments