MANILA, Philippines — Suportado nang may apat sa bawat 10 Pinoy o nasa 41 percent ng mga Pinoy ang impeachment complaint o pagpapatalsik sa puwesto kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay batay sa latest Social Weather Station survey na isinagawa mula noong Disyembre 12 hanggang 18, 2024 at kinomisyon ng consultancy group na Stratbase.
Sa survey, may 35 percent naman sa mga Pinoy ang ayaw sa impeachment laban kay Vice President Duterte samantalang 19 percent naman sa mga respondents ay undecided o walang desisyon.
Sa kasalukuyan ay may tatlong impeachment complaint na ang nakahain sa Kamara laban kay Duterte.
Sa survey, ang Balance Luzon ang nakapagtala ng pinakamataas na percentage na pabor sa impeachment kay VP Sara na may 50%, sinundan ng National Capital Region, 45 percent.
Ang Mindanao na kilalang balwarte ng mga Duterte ang nakapagtala ng pinakamababang porsyento na may 22 percent lamang.