MANILA, Philippines — Suportado ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukalang pansamantalang pigilan ang nakatakdang pagtaas ng Social Security System (SSS) contribution ngayong taon.
Sinabi ni Go na ito ay dahil sa matinding pangangailangang maibsan ang pinansiyal na pasanin ng mga manggagawa at maliliit na negosyo sa gitna ng patuloy na pagtaas ng inflation rate.
Ang pagtaas ng kontribusyon sa 15% mula sa sahod ng mga pribadong empleyado ay ipinag-uutos sa ilalim ng Republic Act (RA) 11199, o ang Social Security Act of 2018. Hinikayat ni Go ang mga tagapamahala sa pananalapi ng gobyerno na masusing suriin at isaalang-alang ang panukalang ito upang hindi mabigatan ang mga mahihirap ngunit hindi makokompromiso ang mga benepisyo na maaari nilang asahan mula sa SSS.
Binanggit ni Go na maraming Pilipino ang nahaharap sa krisis dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo habang ang gobyerno ay nahihirapang sa pagtarget na ideal inflation.
Binigyang-diin ni Senator Go na kahit na ang kaunting kaltas sa take-home pay ng minimum wage earners at mahihirap na manggagawa ay mangangahulugan ng malaking pagbawas sa kanilang mahahalagang pangangailangan.
“Para sa mga mahihirap nating manggagawa, ang bawat pisong binabawas sa kanilang net take-home pay ay pwede pa sanang pandagdag pambili ng kanilang pagkain.
Para sa akin, mas mahalaga ang laman ng sikmura ng mga Pilipino dahil ayaw nating merong mga kababayan nating natutulog sa gabi na gutom,” idiniin ni Go.
Kaya naman umapela ang senador sa SSS Board na suriin ang posibilidad ng pagsuspinde sa nakatakdang pagtataas ng kontribusyon nang hindi nakompromiso ang pondo ng ahensya.