Clark Multi-specialty Medical Center: World-class na ospital pasok sa mga baryo

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Hulyo 17, 2023 ang briefing at inspeksyon ng Clark Multi-Specialty Medical Center (CMSMC) sa Clark Freeport Zone sa Pampanga kung saan nangako siyang ituloy ang accessible na de-kalidad na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa bawat Pilipino.
PCO

MANILA, Philippines — Ang isang bansa na hindi maalagaan ang sarili nito ay mas masahol pa sa isang inutil na bansa.

Isa itong paalala na nagtulak kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iprayoridad ang kalusugan at katarungang panlipunan sa gitna ng kanyang pangmalawakang layunin na matamo ang progreso at kaunlaran para sa lahat ng mga Pilipino.

Tama dito ang Presidente dahil kakatwa na ang isang bansang lumilikha ng isa sa magagaling na mga manggagawang pangkalusugan sa mundo ay hindi maalagaan ang sarili nitong mamamayan.

Kaugnay din nito, ang isang bansang pinagmumulan ng magagaling na mga nurses sa daigdig ay dapat lang meron ding mahuhusay na mga pasilidad na maibibigay ng medisina lalo na ang mga specialty hospital na madalang sa mga liblib na lugar.

Nakita ni Pangulong Marcos noong panahon ng pandemya ang kaalaman at pangangailangan na maiparating sa mga baryo ang makabagong medisina.

Naging hamon sa bansa ang pandemya ng COVID-19 noong 2020 na daan-daan libo ang nagkasakit at naudlot ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas. Sa buong mundo, ang Pilipinas ang ika-13 sa nakaranas ng pinakamataas na pagkalugi sa ekonomiya sa tinayang 10% na pagbagsak ng Gross Domestic Product (GDP) noong 2020.

Lubhang kinawawa ng COVID-19 ang mahihirap na komunidad sa Pilipinas dahil sa community quarantine kasabay ng mga paghihigpit sa mga sasakyan at border na nakaapekto sa paghahatid at pagkakaroon ng mga serbisyong pangkalusugan.

Napakalaki ng epekto nito sa mga pasyenteng kailangang magamot ng mga espesyalista. Sa kasagsagan ng pandemya, lubhang napresyur ang mga ospital at ang mga manggagawang pangkalusugan sa pagdagsa ng mga kritikal na pasyente.

Ang nagkakasakit na mga Pilipino sa mga lalawigan ay lakas-loob na sinuong ang mga mahihigpit na kuwarantina para makapasok sa mga malalaking ospital sa Metro Manila dahil sa paniniwalang dito lang sila makakakuha ng mahuhusay na gamutan.

Pagkaraan ng dalawang taon mula nang manalasa ang pandemya, hindi pa ganap na nakakabawi rito ang healthcare system ng bansa.

Batid ni Pangulong Marcos simula’t sapul na maupo siya sa puwesto na napakalaking hamon na maibangon muli ang ekonomiya at ang healthcare.

Una niyang pinalaya ang bansa mula sa militaristang pagpapatupad ng quarantine protocol dahil sa Covid-19 sa pamamagitan ng pagpapalabas ng Proclamation No. 297 noong Hulyo 21, 2023 na nagtanggal sa State of Public Health Emergency sa buong bansa.

Pagpapatuloy ng isang legasya

Niratipikahan ng Pangulo ang Republic Act No. 11959, o  “Regional Specialty Centers Act” na nagtatadhana sa pagtatatag ng mga specialty center sa mga ospital ng Department of Health sa bawat rehiyon ng bansa at sa mga government-owned or controlled corporation (GOCC) specialty hospitals.

Sa wakas, isinakatuparan ng mahalagang hakbang niyang ito ang isa sa matagal nang hangarin ng mga ordinaryong Pilipino—ang magkaroon ng mga makabagong ospital  sa kani-kanilang lugar para hindi na sila pumunta sa mga lunsod at regional center.

Inutos niya ang pagtatayo ng 300 specialty centers sa bansa hanggang sa 2028. Bagamat ilan sa mga ospital na ito ay nalikha noong 2023, marami pang mga specialty center ang nakumpleto sa mga malalayong lugar dahil sa hakbang ng pangulo.

Bukod dito, ang pagratipika ng pangulo sa specialty hospital law ay higit na nagtitiyak ng accessibility at affordability ng health care services para sa lahat ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga healthcare center sa mga rehiyon.

Prayoridad sa mga specialty center ang cancer care, cardiovascular care, lung care, renal care and kidney transplant, brain and spine care, trauma care, burn care, orthopedic care, physical rehabilitation medicine, infectious disease and tropical medicine, toxicology, mental health, geriatric care, neonatal care, dermatology, eye care, at ear, nose, and throat care.

Isang 78-anyos na retiradong kawani ng pamahalaan na si Alfredo Lumbar ng Nueva Ecija ang nagpahayag ng papuri sa multi-specialty medical center project ni Pangulong Marcos. Idiniin niya na makakatulong ito sa pagpapagamot ng mga may sakit na senior citizen at ibang mga may karamdamang residente sa Central at Northern Luzon.

“Hindi na namin kailangang dumayo sa Metro Manila para magamot kung meron na kaming specialty hospital sa aming rehiyon. Mababawasan na ang pagod, oras ng pagbibiyahe at gastusin,” sabi pa ni Alfredo.

“Ipinagpapatuloy ni President Marcos Jr. ang legasyang naiwan ng ama niyang si Marcos Sr. at ina na si dating unang ginang Imelda Marcos na nagpagawa sa mga specialty hospital tulad ng Heart Center, the Kidney Center and the Philippine Children’s Medical Center. Kaya lang, lahat ng ito ay nasa Metro Manila. Malayo sa aming taga probinsya.”

Hindi na ito mangyayari sa pagkakatatag ng Clark Multi-Specialty Medical Center (CMSMC) na unang specialty center na inaasahang matatapos maipagawa sa hulihan ng taong 2025.

Sinabi ni Pangulong Marcos na ang CMSMC ay inaasahang magiging isang world-class na pasilidad na medikal na magkakaroon ng makabagong kagamitan na magbibigay ng espesyal na pangangalaga sa apat na medikal na disiplina: pediatric, renal, cardiovascular at oncology.
PCO

Tugon ng Clark sa direktiba ng pangulo

Noong 2024, sumama ang Clark Freeport Zone (CFZ) sa mabilis na lumalaking listahan ng mga umuusbong na specialty center sa pamamagitan ng pagpapatayo sa CMSMC. Dumalo si President Marcos sa site inspection nito noong Hulyo 17, 2023 at nangakong isusulong ang accessible quality healthcare services para sa bawat Pilipino.

Binanggit niya dito na ang CMSMC ay hindi lang bahagi ng mga prayoridad sa kanyang State of the Nation Address (SONA) kundi isa ring mahalagang bahagi ng Health Facility Enhancement Program (HFEP) ng kanyang administrasyon. Layunin ng HFEP na mapalawak ang pagkakaloob ng may kalidad na pagamutan lalo na sa mga naninirahan sa mga under-served communities.

“Hindi ko malilimutan, at ang dahilan na naging mahalagang bahagi ng administrasyon ko ang healthcare, hindi lang dahil sa naranasan natin sa pandemya sa nagdaang dalawa o tatlong taon, kundi pati na rin dahil sa gabay na pang-unawa at idea na sino mang tao, gaano man siya katagumpay sa buhay, ay hindi matatamasa ang tagumpay na ito kung hindi sila magkakaroon ng mabuting kalusugan. Kaya nga mahalaga itong bahagi ng serbisyo ng pamahalaan sa ating mga mamamayan,” sabi ng Pangulo na nagdiin na ang healthcare ay isang mahalagang bahay sa kanyang administrasyon dahil sa aral na idinulot ng pandemya.

“Hindi isang pribilehiyo ang pagkakaroon ng serbisyong pangkalusugan. Isa itong karapatan, at ito ang magiging paraan ng ating pagharap sa suliraning ito. Sa ganitong paraan din natin patuloy na pahuhusayin ang ating sistema ng pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino, sa abot ng ating makakaya,” dagdag niya.

Mura at maaabot na gamutan  

Itinatayo ang CMSC sa isang 5.7 ektaryang lupa sa Prince Balagtas Avenue sa Clark Freeport Zone (CFZ). Nakikita ito na magiging isang isang world-class medical facility na merong mga state-of-the-art equipment na magbibigay ng specialized care sa pediatrics, renal care, cardiovascular care at oncology.

Tatanggapin dito ang mga pasyente hindi lang mula sa Pampanga at Central Luzon kundi pati na iyong nanggagaling sa Ilocos at Cagayan Valley at kahit nasa Metro Manila.

Ipinangako ni Presidente Marcos na irereport sa bansa ang progreso sa pagtatayo at pagbubukas ng bagong mga healthcare center sa buong bansa.

“Makakatiyak na determinado ang administrasyong ito na higit pang ilapit sa mga mamamayang Pilipino ang may kalidad na mga serbisyong pangkalusugan. Magtatayo tayo ng marami pang primary healthcare facilities at specialty centers sa buong bansa,” wika pa ng punong ehekutibo.

“Bunga ito ng walang humpay na pagsusulong natin para sa Universal Healthcare at hindi tayo titigil hanggang sa bawat Pilipino ay makakapagsabi na nakakatanggap sila ng may kalidad na gamutan. Hindi ko matiis na makita na ang isang kapwa Pilipino ay nahihirapan dahil walang pasilidad sa ating sistemang pangkalusugan.”

Ipinangako rin niya ang pagtatatag sa mga rural healthcare units at barangay health centers at sinuportahan din niya ang idea na palakasin ang “Botika de Barangay” program.

“Pinagsasama-sama natin ang mga bagay na ito para, pagdating sa fundamental healthcare para sa ating mga kababayan, madali itong nakahanda sa kanila, mula sa mga barangay health workers na merong mahalagang papel sa sistemang ito hanggang sa mga RHU at sa mga provincal hospital hanggang sa tertiary-care level hospitals at grand multi-specialty medical center tulad ng sa Clark,” dagdag pa niya.

Pinasalamatan ng pangulo ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at ang Clark Development Corporation (CDC) para sa pangunguna ng mga ito sa CMSMC project sa pakikipag-ugnayan sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA).

Kinilala rin niya sa pagpapatayo ng CMCMC ang Department of Health (DOH), Panlalawigang Pamahalaan ng Pampanga sa pangunguna nina Pampanga Gov. Dennis Pineda at Vice Gov. Lilia Pineda at iba pang stakeholders. 

Katuwang sa proyekto ang  pribadong sektor tulad ng Bloomberry Cultural Foundation, Inc.. Kinakatawan dito ang whole-of-government approach para ilapit sa sambayanang Pilipino ang serbisyong medikal.

Para sa DOH, ang CMSMC ay isang “catalyst for transformation” sa pagtatatag ng specialized medical centers sa buong bansa. “It’s equipped with cutting-edge facilities that rival the world’s best,” dagdag nito.

“Layunin ng CMSMC na magbigay ng de-kalibreng panggagamot sa mga pasyente nito,” sabi ng DOH.  Ikinakatawan ng CMSMC angn ilang punto sa Eight-Point Action Agenda nito at sa hangarin ni Presidente Marcos na ‘Build Better More.’

Ipinahayag naman ni CDC president at chief executive Atty. Agnes Devanadera na ang CMSMC ay magpapalakas sa pagsisikap ng pamahalaan na itaguyod ang bansa bilang isang medical tourism destination.

“Ipakikilala nito ang isang bagong perspektiba sa healthcare sector ng ating bansa sa pamamagitan ng pag-akit sa marami pang mga bisita mula sa iba’t-ibang rehiyon mula sa loob at labas ng Pilipinas. Dito, maipag-iibayo sana natin ang ating katayuan bilang pangunahing destinasyon para sa mga natatanging serbisyong medikal na kapantay ng sa mga kilalang healthcare destinations tulad ng sa Singapore,” paliwanag ni Devanadera.

Ipinalalagay ni Devanadera na ang CMSMC ay magsisilbing isang tanglaw ng pag-asa at kagalingan sa mga mamamayan sa pamamagitan ng mga makabago nitong pasilidad, isang testamento sa masidhing pangako ng administrasyong Marcos na mapabuti ang serbisyong pangkalusugan sa bansa.

“Sa pamamagitan ng mahalagang pananaw at tuuluyang dedikasyon, ipinakita ng pamahal;aan ang mabilis na paghahangad na maisulong ang ating healthcare industry,” dagdag niya.

Ipinaabot ni Pangulong Marcos ang kanyang pasasalamat sa Department of Health (DOH), sa pamahalaang panlalawigan ng Pampanga, at iba pang stakeholder para sa pagpapapatayo ng CMSMC.
PCO

Pagdesentralisa sa healthcare

Binanggit naman ni Pampanga Gov. Dennis Pineda na ang CMSMC ay malaking tulong hindi lang para sa mga residente ng Pampanga kundi pati na rin sa kalapit na mga lugar sa Central at Northern Luzon.

“Hindi na po natin kailangan pumunta ng Maynila para magpagamot sa Philippine Heart Center at maging sa kidney and lung centers. Dito sa Pampanga ay mabibigyan na tayo ng lunas,” paliwanag niya.

“Kung natatandaan niyo po, ang [former] First Lady Imelda [Marcos] ay nagtayo ng specialty hospitals sa Quezon City. So, nagkaroon kami ng desisyon na dapat magkaroon ng replication,” alinsunod naman ni Devanadera.

Idinaos ng DOH ang groundbreaking ceremony nito noong Hulyo 2024 para sa CMSMC. Dinaluhan ito nina First Lady Marie Louise Araneta Marcos, DOH Secretary Teodoro Herbosa at Undersecretary Glenn Matthew Baggao. Naroon din sina Governor Pineda and Vice Governor Lilia na ang mahalagang ambag ay nagbunga sa pagtatagumpay nito.

Sinamahan din sila sa seremonya nina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, PAGCOR vice president Ma. Vina Claudette Peralta Oca, Bloomberry Cultural Foundation Inc. executive director Filipina Laurena, at iba pang matatas na opisyal.

Nagsimula ang pagpapagawa noong Hulyo 10, 2024. Unang ginawa ng DPWH ang Renal Building na merong P1 bilyong pondo mula sa DOH.

Ang anim na palapag na istruktura ay merong kabuuang floor area na 10,600 square meters at may kapasidad na 110 kama (mapapalawak sa 272 kama). Inasahang matatapos ito sa loob ng 18 buwan.

Kasabay ng naturang iskedyul ang target na matapos ang Children’s Medical Center na pinondohan ng P1 bilyon mula sa Bloomberry Cultural Foundation na sisimulan sa 2025. Hanggang noong Nob. 25, 2024, nasa 7.04% na ang itinatayong Pediatrics Building.

Sinabi pa ni Atty. Devanbadera na, kapag nagbukas na ang operasyon ng CMSMC, magiging isa ito sa mga pasilidad na tutugon sa pangangailangang pangkalusugan ng may 140,000 manggagawa sa Clark Freeport Zone.

 


Editor's Note: This press release for the Presidential Broadcast Service is not covered by Philstar.com's editorial guidelines.


 

Show comments