MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na walang mintis na nagbabayad ng 3-percent na franchise tax ang NGCP, alinsunod sa nakamandato sa batas.
Nagpatotoo dito si BIR Commissioner Atty. Romeo Lumagui, Jr. sa isinagawang pagdinig ng House Ways and Means Committee.
Siniguro rin ni Lumagui sa publiko na mahigpit na ipinatutupad ng BIR ang kautusan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na nakapaloob sa ERC Resolution No. 10 na nagbabawal sa NGCP na ipasa ang franchise tax sa mga konyumer sa pamamagitan ng BIR Revenue Memorandum Circular 24-2024.
“NGCP has been religiously paying its franchise tax to BIR (Tuloy-tuloy na nagbabayad ang NGCP ng kanilang franchise tax sa BIR,” saad ni Lumagui.
Inihayag ni ERC Chairperson Monalisa Dimalanta na mula 2018, nagbabayad ang NGCP ng nasa PhP1.3 Billion hanggang PhP1.5 Billion na franchise tax kada taon.
Mula 2016 hanggang 2022, nasa PhP21 Billion na ang kabuuang franchise tax na binayaran ng NGCP.
Samantala, hiningi ni APEC Partylist Rep. Sergio Dagooc na tignan din ng Kongreso kung may posibleng ligal na hakbang na pwedeng kaharapin ng mga dating ERC commissioner na nag-apruba ng pagpasa sa mga konsyumer ng 3-percent franchise tax ng NGCP.
“What are the possible legal accountability on the part of the body who approved the resolution authorizing NGCP to pass on the 3% franchise tax (Ano ang posibleng kaharaping kaso ng mga kasapi ng ahensya na nag-apruba sa resolusyon para ipasa ng NGCP ang 3% franchise tax),” sabi ni Dagooc.
Dagdag pa ng kongresista, hindi raw pwedeng sisihin ang NGCP dito dahil sinunod lang nito ang resolusyon ng ERC na inisyu noong 2011.
“Hindi naman nila ipasa iyon kung wala ‘yung resolusyon na iyon, kung hindi sila pinahintulutan ng regulator,” saad ng mambabatas.
Inamin naman ni Albay Rep. Joey Salceda na bahagi siya ng economic team ni Dating Pangulong Gloria Arroyo na nagbalangkas ng mga hakbang para maibenta ang TransCo na dating may hawak sa operasyon ng transmission grid.
Para raw maging kaaya-aya para sa mga investor, itinakda nila sa 3 percent ng gross income ang franchise tax.