Palasyo inutos 12 buwan suspension sa mayor, vice mayor ng Pangasinan

MANILA, Philippines — Inutos ng Malacañang ang 12 buwang suspension order laban kina Urdaneta City Pangasinan Mayor Julio Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno dahil umano sa kasong grave misconduct at grave abuse of authority.

Sa ipinalabas na desisyon ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong January 3, 2025 hinggil sa administrative complaint na naisampa ni Michael Brian Perez, punong barangay ng San Vicente Urdaneta City, Pangasinan noong October 28, 2022, napatunayan na nagkasala ang mga Parayno sa naturang kaso.

Agad namang naglabas ng direktiba si DILG Region 1 director Jonathan Paul Leusen Jr. na ipatupad ang desisyon ng Malakanyang na tig-6 na buwang suspension sa dalawang kaso o kabuuang 12 buwang suspension sa puwesto.

Nag-ugat ang kaso nang suspendihin at patalsikin bilang Liga ng mga Barangay (LNB) President si Perez noong 2022 at palitan ng Office of the Mayor at Sangguniang Panlunsod na hindi umano nila sakop dahil ang may kapangyarihan na magdesisyon hinggil dito ay ang LNB Provincial Executive Board sa pamamagitan ng Provincial Liga Office.

Sinasabing nagpalabas ng notice of suspension laban kay Perez noong June 15, 2022. Ang mga bagong halal na LNB officers ang kinilala umano ni Parayno.

Pinagbawalan din ng dalawang Parayno na makabalik sa posisyon si Perez bilang LNB President at ex-officio member ng SP kahit labag ito sa batas o may katapat na kasong grave misconduct sa kabila na may lifting ang suspension order para makabalik sa puwesto si Perez noong Sept 2022.

Show comments