Gun ban, checkpoints ikinasa ng Comelec
MANILA, Philippines — Nakatakda nang maglatag ang Commission on Elections (Comelec) ng mga checkpoints sa mga istratehikong lugar sa bansa simula ngayong weekend.
Ito, ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ay kasunod na rin nang pagsisimula ng election period para sa 2025 National and Local Elections (NLE) sa Enero 11 na magtatapos sa Hunyo 12.
Sa nasabing panahon aniya ay ipatutupad na rin nila ang gun ban kaya’t kinakailangan na nilang maglagay ng mga checkpoints, na pangangasiwaan ng mga miyembro ng military at pulisya.
“Actually, ang election period, January 11 ang start, hanggang June 12. Ibig sabihin, ganoon din kahaba ang checkpoint,” ayon pa kay Garcia.
Nilinaw naman ni Garcia na oobserbahan lamang ang ‘plain view doctrine’ sa mga checkpoints, na nangangahulugan na kailangang ibaba ng mga motorista ang mga bintana ng kanilang mga sasakyan at buksan ang ilaw sa loob, kung daraan sa mga checkpoints at hindi na kailangan pang buksan ang compartment, trunk o kanilang mga bags.
Sa ilalim ng gun ban, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbibitbit sa labas ng bahay ng mga nakamamatay na armas, gaya ng mga baril, bala, patalim, pampasabog at iba pa.
Tanging mga awtoridad lamang ang maaaring magbitbit ng armas sa labas ng bahay, maliban na lamang kung makakuha sila ng gun ban exemption mula sa Comelec.
Nagbabala rin si Garcia na ang lahat ng mahuhuling lumalabag sa gun ban ay darakpin at sasampahan ng kaukulang kaso.
- Latest