MANILA, Philippines — Umabot sa mahigit 300 ang mga taong dumaranas ng stroke sa gitna ng Kapaskuhan, ayon sa Department of Health (DOH).
Batay sa datos mula sa walong sentinel sites na sinusubaybayan ng DOH, ang mga naitalang stroke cases ay tumaas mula 12 noong Disyembre 23, 2024 hanggang 146 noong Enero 2, 2025. Sa 146 na kaso, dalawang pasyente ang namatay.
Samantala, mayroong 140 stroke patients na naka-log sa Philippine General Hospital (PGH), at 41 iba pa sa Tondo Medical Center. Karamihan sa mga pasyente ay nasa edad 45 hanggang 64.
Sinabi rin ng DOH na tumaas ang mga kaso ng acute coronary syndrome (ACS) mula sa mga sentinel sites mula dalawa lamang noong Disyembre 22 na umakyat sa bilang na 74 noong Enero 2.
Isang pasyente ang naiulat na namatay dahil sa ACS, o biglaang pagbabago sa daloy ng dugo sa puso.
Ang mga kaso ng bronchial asthma sa mga sentinel sites ng DOH ay umakyat din mula anim noong Disyembre 22, hanggang 80 noong Enero 2. Karamihan sa mga kaso ay mga batang edad na 0 hanggang 9.
Apatnapu’t anim na kaso ng bronchial asthma ang naitala rin sa PGH, habang 11 ay mula sa Tondo Medical Center.