MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 44% pagtaas sa bilang ng mga firework-related incidents (FWRI) o biktima ng paputok sa bansa.
Sa datos ng DOH, simula Disyembre 22-30, ay umaabot na sa 163 ang FWRIs matapos madagdagan pa ng 21 bagong kaso, sa nakalipas na magdamag.
Mas mataas ito ng 50 kaso o 44% kumpara sa 113 na naitala sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.
Ang 118 naman o 72% ng kabuuang bilang ay nabiktima ng ilegal na paputok, gaya ng boga, 5-star at piccolo. Nasa 106 o 65% naman sa kanila ay aktibong gumamit ng paputok.
Una nang kinumpirma ng DOH na isang 78-anyos na lolo na gumamit ng Judas’ belt ang namatay matapos masabugan ng paputok habang ilang indibidwal na rin ang naputulan ng daliri.
Muling nagpaalala ang DOH sa publiko na huwag magpaputok at ilayo ang mga bata sa panganib na dulot nito. Mas makabubuti kung gagamit na lamang mga alternatibong pampaingay gaya ng torotot at musika.
Giit ng DOH, “Ang paputok ay delikado, mas lalo sa mga bata at menor-de-edad. Sumasabog ang mga ito at maaring makapinsala sa katawan ng tao. Huwag hawakan ang anumang bagay na sumasabog, dahil ito ay nakamamatay o nakakasugat.”
Payo pa ng DOH, ipagbigay-alam kaagad sa mga awtoridad sakaling mayroong nagpapaputok sa pampublikong lugar.
Sakali naman umanong mangailangan ng tulong, maaaring tumawag sa 911 emergency hotline o 1555 DOH emergency.