Trust ratings nina Pangulong Marcos, VP Sara sumadsad sa last quarter ng 2024

MANILA, Philippines — Nakapagtala ng pagdausdos sa kanilang trust ratings sina Pang. Ferdinand Marcos Jr. at Vice Pres. Sara Duterte sa huling quarter ng 2024.

Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Disyembre 12-18, sa pamamagitan ng face-to-face interviesa 2,160 respondents sa buong bansa, bahagyang bumaba ang mga may ‘Much Trust’ o labis na tiwala sa Pangulo mula 57% noong Setyembre sa 54% ngayong Disyembre.

Ang mga may ‘Little Trust’ o kaunting tiwala naman ay nanatili sa 25%.

Kung ikukumpara sa loob ng anim na buwan o mula Hulyo hanggang Disyembre, kapansin-pansin ang 10 puntos na pagdausdos nito, kung saan ang mga taong may ‘Much Trust’ sa Pangulo ay naging 54% na lamang mula sa 64%.

Samantala, ang ‘undecided’ pa o nag-aalinlangan sa kanilang pagtitiwala sa Pangulo ay tumaas mula 14% patungong 19% ngayong buwan.

Ayon sa SWS, naitala ang pinakamalaking pagbaba sa trust rating ng Pangulo sa Min­danao.

Samantala, nakapagtala rin si VP Sara nang pagbaba sa trust ratings. Nabawasan ng tatlong puntos ang bilang ng mga Pinoy na may ‘Much Trust’ kay Duterte, mula 55% noong Setyembre ay naging 52% ngayong Disyembre.

Kung ikukumpara sa loob ng anim na buwan o mula Hulyo hanggang Disyembre, bumulusok ng 13% ang mga may ‘Much Trust’ kay Duterte, o naging 52% na ngayong Disyembre mula 65% noong Hulyo.

Tumaas naman sa 29% mula sa dating 21% lamang ang may ‘Little Trust’ sa bise presidente, gayundin ang ‘undeci­ded,’ na mula sa 13% ay naging 17%.

Anang SWS, pinakamalaki ang naging pagbaba ng trust rating ni VP Sara sa National Capital Region (NCR) at Balance Luzon.

Show comments