Isinilid sa washing machine…
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng labis na pagkabahala ang pamunuan ng Department of Migrant Workers (DMW) sa kaso ng isang Pinay na nakapatay sa alagang paslit sa Kuwait, sa pamamagitan nang pagsisilid dito sa isang washing machine.
Nagpaabot din sila ng pakikiramay sa pamilya ng biktima at tiniyak na makikipagtulungan sila sa mga awtoridad sa isasagawang imbestigasyon ng mga ito.
“We convey our sincere condolences to the child’s family and the Kuwaiti government,” anang DMW.
Tiniyak din naman ng DMW na ang naturang trahedya ay isolated lamang at hindi kumakatawan sa ugali ng mga Pinoy at OFWs, na kilala sa kanilang pagiging maalaga, pagiging propesyonal, at dedikasyon sa trabaho.
Batay sa ulat, narinig umano ng mga magulang ng batang lalaki ang palahaw nito kaya’t kaagad itong sinaklolohan. Dinala pa siya sa pagamutan ngunit namatay rin.
Umamin naman umano sa krimen ang OFW, na ngayon ay hawak na ng mga pulis.