Kasong graft vs ex-BFAR chief Gongona, tuloy
MANILA, Philippines — Tuloy ang paglilitis sa kasong graft laban kay dating Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) National Director Eduardo Gongona kaugnay ng kontrobersyal na P2 bilyong Vessel Monitoring System (VMS) project.
Ito’y kasunod ng pagbabasura ng Office of the Ombudsman sa dalawang mosyon na inihain ni Gongona na humihiling na pag-aralan muna ang resolusyong may petsang Pebrero 5, 2024.
Ang resolusyon ay nag-aatas ng pagsasampa ng kaso laban kay Gongona at dalawa pa para sa 2 counts ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o “Anti-Graft and Corrupt Practices Act”, at tig-isang bilang ng paglabag sa Sections 3(g) at 3(j) ng parehong batas.
Sa 13-pahinang kautusan na aprubado ni Ombudsman Samuel Martires noong Oktubre 2, ibinasura ang mosyon ni Gongona dahil sa kawalan ng legal na basehan matapos hindi makapagprisinta ang huli ng bagong ebidensya na makakapagpabago sa naunang desisyon.
Una rito, nakitaan ng probable cause ng Ombudsman para kasuhan at isalang sa paglilitis sina Gongona at mga kapwa nito akusadong sina dating BFAR National Director Demosthenes Escoto, at Simon Tucker, CEO ng UK-based SRT Marine Systems Solutions Ltd. (SRT-UK), kaugnay ng umano’y iregular na pag-award ng kontrata sa SRT-UK para sa Phase 1 ng Integrated Marine Environment Monitoring System Project o PHILO Project.
Nilalayon ng PHILO Project na mabigyang proteksiyon ang yamang dapat at masawata ang illegal na pangingisda sa nasasaklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa gamit ang VMS para sa mga malalaking sasakyang pandagat na pang-komersiyo. Bahagi ng proyekto ang pagbili ng VMS transmitters at transceivers.
Sa pagbabasura sa mga mosyon ni Gongona, hindi tinanggap ng Ombudsman ang kanyang paliwanag na wala siyang alam sa diskuwalipikasyon ng SRT-France at umasa lamang siya sa rekomendasyon ng Bids and Awards Committee at Technical Working Group.
- Latest