DILG sa LGUs: Regulasyon vs paputok, ipatupad

Batay sa memorandum, nanawagan si Remulla sa mga LGU na maglabas ng mga ordinansa at iba pang regulasyon na nagbabawal o humihikayat sa mga indibidwal o sambahayan na gumamit ng paputok na itinakda ng Executive Order No. 28 series of 2017.
STAR/File

MANILA, Philippines — Bilang bahagi ng hangarin na maging ligtas ang pagsalubong sa Bagong Taon, naglabas ng kautusan si Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa mga local government units (LGUs) na ipatupad ang mga patakaran at regulasyon sa paputok at iba pang pyrotechnics sa kani-kanilang nasasakupan.

Batay sa memorandum, nanawagan si Remulla sa mga LGU na maglabas ng mga ordinansa at iba pang regulasyon na nagbabawal o humihikayat sa mga indibidwal o sambahayan na gumamit ng paputok na itinakda ng Executive Order No. 28 series of 2017.

Dapat din aniyang higpitan ng mga LGU ang paggamit ng paputok at sa mga community fireworks display lamang na nakakuha ng mga kinakailangang permit.

Inatasan din ni Remulla ang Bureau of Fire Protection (BFP) na tiyakin na ang mga fire exhibition safe zone ay ginagabayan ng mga probisyon ng Republic Act (RA) 9514 o Fire Code of the Philippines.

Kasabay nito, inatasan ng DILG chief ang Philippine National Police na magsagawa ng inspeksyon, pagkum­piska, at pagsira sa mga ilegal na paputok at pyrotechnic device.

Pinamomonitor din ni Remulla ang talamak na bentahan online ng mga bawal na paputok.

Ani Remulla, maaari namang gumamit ng torotot o kaldero sa pag-iingay upang salubungin ang New Year.

Samantala, hinikayat naman ng DILG ang mga LGU na ipatupad ang RA 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa mga pampublikong lugar sa panahon ng kapaskuhan.

Show comments