MANILA, Philippines — Nanindigan ang Commission on Elections (Comelec) en banc sa desisyon na nag-disqualify kay dating Congressman Edgar Erice sa pagtakbo sa 2nd District ng Caloocan City sa May 2025 elections dahil sa patuloy niyang pagpuna sa automated election system (AES).
Sa isang 30-pahinang desisyon na inilabas noong weekend, pinagtibay ng en banc ang naunang desisyon ng Second Division nito na nagbabawal kay Erice na lumahok sa mga botohan sa susunod na taon.
“The integrity of elections is the cornerstone of democracy and any act that undermines this foundation cannot be tolerated. Respondent’s disqualification is not merely justified but necessary to protect the sanctity of our electoral process. This Commission must act decisively to ensure that the people’s trust in their democratic institutions remains intact,” saad sa ruling.
Sumentro ang desisyon ng en banc sa mga aksyon ni Erice para siraan ang AES.
“Respondent’s conduct reveals not only an unworthiness to seek public office but also a blatant disregard for the sanctity of the electoral process. Attempts to undermine the Commission’s reputation and the integrity of elections for Respondent’s personal gain cannot be permitted,” ayon pa sa desisyon.
Sa inihaing petisyon ng isang Raymond Salipot, sinasadya umano ni Erice ang pagpapakalat ng mali at nakakaalarmang ulat, at mapanlinlang na mensahe upang guluhin ang electoral process na maaring magdulot ng kalituhan sa mga botante, na ipinagbabawal sa Omnibus Election Code.