MANILA, Philippines — Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang Executive Order (EO) na nagtatakda ng taripa ng Pilipinas sa ilalim ng kasunduan sa Free Trade Agreement ng Pilipinas at South Korea (PH-KR FTA).
Sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO), nakasaad sa EO 80 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Disyembre 23, ang pangangailangang baguhin ang mga rate ng buwis sa pag-import ng ilang mga produkto upang masunod ng bansa ang Philippine Schedule of Tariff Commitments sa ilalim ng PH-KR FTA.
Base pa sa kautusan, lahat ng mga produktong nakalista sa Philippine Schedule of Tariff Commitments sa ilalim ng PH-KR FTA ay sasailalim sa mga rate ng buwis sa pag-import sa oras ng pagpasok ng mga ito sa bansa.
Nakasaad pa na ang lahat ng mga produkto na nagmula sa Republika ng Korea na nakalista sa nabanggit na Philippine Schedule of Tariff Commitments sa ilalim ng Seksyon 1 dito, na ipinapasok o inilalabas mula sa mga bodega o mga free zone sa Pilipinas para sa konsumpsyon o pagpapakilala sa teritoryo ng customs, ay sasailalim sa mga rate ng buwis tulad ng nakasaad dito, na may kaukulang pagsumite ng Proof of Origin, alinsunod sa mga naaayong regulasyon sa ilalim ng PH-KR FTA.
Ang Free Trade Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Korea ay magsisimula sa Disyembre 31, 2024.
Ang kasunduan sa libreng kalakalang ito ay nilagdaan noong 43rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Indonesia noong Setyembre 2023.