Biktima ng paputok, 101 na!
MANILA, Philippines — Umaabot na sa kabuuang 101 ang fireworks-related injuries (FWRI) na naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa, mula noong Disyembre 22 hanggang 6:00AM ng Disyembre 27, 2024.
Sa pinakahuling datos ng DOH, nakapagtala pa sila ng 32 bagong kaso ng biktima ng paputok, na mas mababa sa 75 kaso sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon, base sa ulat ng kanilang 62 sentinel sites.
Nabatid na 82 sa mga biktima ay edad 19-taong gulang pababa habang ang 19 ay 20-anyos pataas.
Nasa 92 ng mga biktima ay mga lalaki habang siyam ay mga babae.
Anang DOH, nasa 80 o 79% naman ng total FWRI cases ay dulot ng ilegal na paputok, gaya ng boga, 5-star at piccolo, kabilang ang 65 o 64% na aktibong gumamit ng paputok.
Muli ring nanawagan ang DOH sa publiko, partikular na sa mga bata na huwag gumamit ng paputok upang makaiwas sa disgrasya.
Binigyang-diin ng DOH na maaari namang gumamit ng alternatibong pampaingay gaya ng torotot o musika.
Sakaling mangailangan ng tulong, maaaring tumawag sa 911 emergency hotline o 1555 DOH emergency.
- Latest