Paghahanda sa Traslacion 2025, puspusan na
MANILA, Philippines — Puspusan na ang paghahanda ng mga awtoridad sa idaraos na Traslacion 2025 para sa pista ng Poong Itim na Nazareno sa Enero 9.
Kaugnay nito, nagdaos muli ang Manila Police District (MPD), Manila City government at mga kinatawan ng Simbahang Katolika ng preparatory walkthrough kahapon para sa okasyon.
Mismong si MPD Director PBGen. Thomas Ibay ang nanguna sa pagsasagawa ng inspeksiyon sa mga kalsadang dadaanan ng traslasyon.
Ayon kay Ibay, nais nilang matiyak na lahat ng obstructions o hadlang sa ruta ng prusisyon ay matatanggal upang hindi magdulot ng aksidente o disgrasya sa mga deboto na lalahok sa pista.
Ilang linggo pa bago ang prusisyon ay inatasan na ang Manila Department of Engineering and Public Works na alisin ang mga obstructions sa mga ongoing construction projects.
Kukumpunihin umano nila ang mga sirang kalsada, tatakpan ang mga open manhole at magsasagawa rin ng mga tree trimming operations.
Ayon kay Ibay, nasa 14,000 pulis ang ipapakalat nila sa ruta ng prusisyon para tumiyak sa kaligtasan ng mga deboto.
- Latest