P500 umento sa sahod ng kasambahay sa NCR kasado sa 2025
MANILA, Philippines — Inanunsiyo kahapon ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang mga kasambahay sa National Capital Region (NCR) at Northern Mindanao ay makakatanggap ng umento sa kanilang buwanang sahod sa Enero.
Ayon sa DOLE, inaprubahan na ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang Wage Order No. NCR-DW-05 na inisyu ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) para sa NCR na nagpapahintulot sa P500 monthly increase para sa mga kasambahay sa rehiyon.
Anang DOLE, dahil sa naturang umento, ang monthly minimum wage ng naturang sektor sa rehiyon ay magiging P7,000 na.
Kinatigan din ng NWPC ang wage order na inisyu ng RTWPB Region X, na nag-aapruba sa P1,000 increase para sa mga kasambahay sa rehiyon, sanhi upang maging P6,000 na ang kanilang matatanggap na monthly minimum wage.
Samantala, ang P23 hike naman para sa minimum wage sa non-agriculture sector, at P35 para sa agriculture sector ay nakatakdang i-release sa dalawang tranches, ay aprubado na rin ng RTWPB.
Ayon sa DOLE, sa sandaling tuluyan nang maipatupad, ang minimum wage rates sa Northern Mindanao ay tataas na mula P446 at naging P461.
- Latest