MANILA, Philippines — Umabot na sa 50-milyon ang pasaherong dumaan sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) simula nang maitayo ang nasabing grand terminal noong 2018.
Sinabi ni Jason Salvador na nitong Lunes, Disyembre 23, naitala ang pinakamataas o record-breaking na 232, 074 na naglagay sa 50 milyon sa kabuuan simula nang mag-operate bilang terminal ang PITX.
Pahayag pa ni Salvador: “Sa aking pananaw, malaking factor ito [LRT-1] kasi nakapagdulot ito ng mas madaling access papuntang PITX para sa mga pasahero na manggagaling for example, sa Quezon City, Manila, at Caloocan. Kasi hindi na nila kailangang mag-bus na mata-traffic pa sila, o mag-taxi, kaya naging napakadali. Kaya naman, nakakapunta agad sila ng PITX. Ganun din ang mga taga-probinsiya na nais mamasyal dito sa Metro Manila. Well, pinipili na nilang bumaba sa PITX kasi hindi lamang may sasakyang EDSA Carousel, may taxi, TNVS, at kung anu-ano pa, tapos, may LRT pa. So, sabihin natin, malaki ang kino-contribute nito sa paglaki ng bilang ng mga pasahero natin. Thankful naman tayo kasi talaga naman ngayon, maituturing mo na ang PITX as promised na isang intermodal terminal.”
Samantala, hindi na naranasan ang matinding pagkaantala ng mga biyaheng patungo sa Bicol Region na magmumula sa PITX, simula rin nitong Lunes.
Sinabi ni PITX Senior Corporate Affairs Officer Kolyn Calbasa na simula nitong Disyembre 23, ay nakaaalis na sa oras ng nakatakdang schedule ang mga Bicol bound bus, kumpara sa mga nakalipas na araw na nagdulot ng ilang oras na delay dahil sa mabagal na turnaround dulot ng matinding trapiko sa bahagi ng lalawigan ng Quezon at Camarines Norte.