Publiko, binalaan sa ‘Holiday Heart Syndrome’

MANILA, Philippines — Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na mag-ingat laban sa mga sakit na may kaugnayan sa ‘Holiday Heart Syndrome,’ gaya ng stroke, bunsod na rin nang nalalapit na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, ang Holiday Heart Syndrome ay isang kondisyon na dulot ng labis na pag-inom ng alak, stress, kakulangan sa pahinga at pagkain ng maalat o matataba na nagpapataas sa presyon, na maaaring humantong sa arrhythmia o abnormal na heart rhythm na isa sa sanhi ng stroke.

Sa pag-iikot ng DOH, ipinakita ng Philippine Heart Center (PHC) na pumalo sa humigit kumulang 60 ang kaso ng Stroke mula Hulyo-Nob­yembre 2024 na tinutukan ng ospital.

May naitala ring 7 kaso ng stroke bago pa man mag-Pasko, o mula Disyembre 1-20, 2024.

Maaari pang tumaas ang bilang matapos ang Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon kung hindi mapipigilan ang labis na pag-inom ng alak at pagkain mula sa sunud-sunod na handaan.

Ang 110 kaso naman ng Acute Coronary Heart Syndrome na naitala ng PHC noong Disyembre 2023 ay tumaas sa 115, pagsapit ng Enero 2024.

Show comments