Bong Go: ‘Di dapat nagmamakaawa mga pasyente
MANILA, Philippines — Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng pagpapabilis ng tulong ng gobyerno para sa mahihirap na pasyente sa pag-aalis sa mga burukratikong hadlang kung saan kinakailangan pang bumisita sa iba’t ibang tanggapan para lamang makahingi ng tulong-medikal.
Ipinaliwanag ni Senador Go na may malaki pa ring kakulangan sa tulong para sa mga pasyente.
Binanggit niya na kapag may nagkakasakit, ang pinansiyal na pasanin ay kadalasang lumalampas sa halagang sakop ng PhilHealth.
Dahil dito, ang mga pasyente ay madalas na bumabaling sa ibang ahensya para magmakaawa sa tulong ngunit kinakapos pa rin.
Sa kabutihang palad, sa pagkakaroon ng Malasakit Centers, ay mayroon na silang maaasahang pasilidad na nalalapitan para sa tulong.
Sa pagdinig ng Senate committee on health na pinangunahan ni Go, kinumpirma ni DSWD Assistant Secretary Ulysses Aguilar na gumawa ang ahensya ng mga hakbang upang maisama ang mga serbisyo nito sa Malasakit Centers.
“Sa ngayon po, bukod sa transportation at sa food assistance na naibibigay po natin sa mga lumalapit po sa atin sa Malasakit Center, nakakatulong din po kami sa medical assistance sa kanila,” paliwanag ni Aguilar.
Binigyang-diin niya na dapat ay tuluy-tuloy ang pagbibigay ng tulong sa mga pasyente, lalo sa panahon ng Kapaskuhan.
Nilinaw ni Assistant Secretary Aguilar na habang ang cut-off ay nalalapat sa guarantee letters dahil sa taunang proseso ng clearing para sa mga pagbabayad, hindi nangangahulugang hihinto ang tulong medikal ng ahensya.
- Latest