2 MILF Kumander na sangkot sa Mamasapano massacre, guilty
MANILA, Philippines — Ikinatuwa ng Department of Justice (DOJ) na matapos ang pagpupursige sa halos isang dekada, nahatulan ng guilty ang dalawang kumander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kaugnay sa pagpatay sa 35 miyembro ng Special Action Force (SAF) commandos sa Mamasapano, Maguindanao, noong 2015.
Sa desisyon ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branch 153 noong Disyembre 16, 2024 sa People of the Philippines vs. Abdul Wahab et. al., sa halip na Direct Assault with Murder, binigyan ng mas mababang sentensiya sina Abubakar Guiaman alyas Commander Refy at Mohammad Ali Tambako para sa 35 counts of Homicide.
Ang parusang ito ay nagpapataw ng 8 taon at isang araw ng prision mayor bilang pinakamababa, hanggang 14 taon, 8 buwan at isang araw ng Reclusion Temporal, bilang maximum para sa bawat bilang.
Noong Enero 25, 2015, pinasok ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) ang Barangay Tukanalipao, Mamasapano para magsilbi ng mga warrant laban sa dalawang high-ranking bomb expert na may kaugnayan sa Jemaah Islamiyah: Zulkifli Abdhir (kilala rin bilang Marwan), at Abdul Basit Usman.
Nakipag-away sa kanila si Marwan at napatay at naging mitsa ng gantihan ng putok sa pagitan BIFF (Bangsa Moro Islamic Freedom Fighters) at MILF 118th Command sa lugar na ikinasawi ng 44 SAF, 18 MILF, at 5 BIFF.
- Latest