Ugnayan ng Pinas at Saudi palalawakin pa
MANILA, Philippines — Nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin pa ang ugnayan ng Pilipinas at Saudi Arabia upang saklawin ang iba pang mga larangan ng kooperasyon, habang patuloy na pinapalakas ang matagumpay na pagtutulungan ng dalawang bansa.
Ito ang sinabi ng Pangulo sa farewell call ni Saudi Arabia Ambassador Hisham Sultan Abdullah Alqahtani.
Naniniwala si Marcos na magiging matibay ang ugnayan ng dalawang bansa at patuloy na magpapatuloy ang kanilang nasimulan.
Ayon pa kay Pangulong Marcos, ang mga pag-uusap nila ni Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman Al Saud at iba pang mga opisyal ay tumalakay sa mga pinakamahalagang isyu.
Pinahalagahan din ng Pangulo ang posisyon ng Saudi Arabia sa Organization of Islamic Cooperation (OIC), na aniya ay nakatulong sa mga pagsisikap para sa kapayapaan sa Mindanao.
Samantala, ipinaabot naman ni Ambassador Alqahtani ang kanyang pasasalamat kay Pangulong Marcos sa pagtanggap sa kanya bago ang kanyang pag-alis at inilarawan niyang isang malaking tagumpay ang kanyang tatlong taon at kalahating pagganap bilang embahador sa pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at Saudi Arabia.
Binanggit din ni Alqahtani na naging mahalagang bahagi ng pag-unlad ng Saudi Arabia ang mga Pilipino, lalo na sa nakalipas na 40 taon.
- Latest