Online selling ng mga bawal na paputok talamak na

“Dahil patok na patok ang online selling kabilang na ang pagbebenta ng mga paputok, mahalagang maipasa ang batas na magbabawal sa pagbebenta at pamamahagi ng mga paputok sa online ­platform
Pixabay

MANILA, Philippines — Sa gitna ng pagtaas ng online selling, iginiit ni Senador Win Gatcha­lian na ipagbawal ang pagbebenta, pamamahagi, at paggamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnic device.

“Dahil patok na patok ang online selling kabilang na ang pagbebenta ng mga paputok, mahalagang maipasa ang batas na magbabawal sa pagbebenta at pamamahagi ng mga paputok sa online ­platform. Kailangan itong maipatupad bago pa dumami ang mga pumupunta sa mga platform na ito para bumili ng mga paputok,” ayon kay Gatchalian kasunod ng mga ulat na laganap na sa online platform ang pagbebenta ng mga paputok na nakamamatay.

Nauna nang inihain ng senador ang Senate Bill 1144 na kung magi­ging batas ay tatawaging Firecrackers Prohibition Act, na nag-aamyenda sa Republic Act 7183, na kilala rin bilang “An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution, and Use of Firecrackers and other ­Pyrotechnic Devices.”

Ayon sa senador, ang pagpapalabas ng Executive Order 28 hinggil sa regulasyon at kontrol sa paggamit ng paputok at iba pang pyrotechnic device ay hindi naging epektibo upang mapigilan ang mga pinsalang may kaugnayan sa paggamit ng paputok.

Aniya, ang panukalang batas ay nagbabawal sa pagbebenta, pamamahagi, pagmamay-ari, at paggamit ng anumang paputok o pyrotechnic device.

Nagbibigay din ito ng exception sa pagbaba­wal ng mga paputok, tulad ng pagkuha ng special permit mula sa PNP Fire and Explosives Office.

Bukod dito, ang anumang fireworks display ay dapat isagawa lamang ng mga propesyonal na may sapat na kasanayan at kaalaman sa paggamit ng mga paputok.

Show comments