Marcos: May libreng sakay ngayon sa LRT, MRT

Commuters enter the Metro Rail Transit (MRT) Line 3 in Taft Avenue station last May 2022

MANILA, Philippines — Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang libreng sakay sa Light Rail Transit (LRT-1 at 2) at Metro Rail Transit (MRT-3) ngayong Biyernes, Disyembre 20, 2024.

Ayon sa Pangulo sa kaniyang social media accounts kahapon, layon daw ng nasabing libreng sakay na ­maibsan ang gastos ng mga Pilipino habang naghahanda raw sa Pasko.

“Ikinagagalak kong ipabatid sa ating mga mananakay na libre ang sakay sa LRT-1, LRT-2 at MRT-3 bukas, Disyembre 20, 2024,” ani PBBM.

“Tinatayang aabot sa 1.1 milyong pasahero ang sasakay sa mga linyang ito—ang pinakamataas na ridership na naitala ngayong taon,” sabi ng Pangulo.

Hiling din ni PBBM na magdulot ito ng kaginhawaan sa commuters at maramdaman daw nila ang malasakit na nagmumula sa pamahalaan.

“Ang inisyatibong ito ay isang simpleng paraan upang maibsan ang gastos ng ating mga kababayang abala sa paghahanda para sa Pasko. Nawa’y magdulot ito ng ginhawa at maramdaman ng lahat ang malasakit ng pamahalaan ngayong Kapaskuhan,” anang ­Pangulo.

 

Show comments