MANILA, Philippines — Isang malaking kilos protesta ang inilunsad ng isang koalisyon ng labor groups, health workers at medical advocates sa Mendiola Manila kahapon upang igiit ang pagbibitiw ni Health Secretary Ted Herbosa at pagbabalik ng PhilHealth subsidy sa ilalim ng 2025 national budget.
Nasa 1,000 miyembro ng Nagkakaisang Mamamayan para sa Pangkalusugang Pangkalahatan ang sabay-sabay na nagmartsa sa Morayta patungo sa Mendiola kung saan sigaw nito ang pagtanggal na kay Herbosa gayundin ang panawagan kay Pangulong Bongbong Marcos na i-veto ang rekomendasyon ng Kongreso na bigyan ng zero budget ang PhilHealth.
“Zero subsidy for PhilHealth but full subsidy for trapos in the form of AKAP, AICS, TUPAD and confidential funds,” pahayag ni Judy Miranda, secretary-general ng Partido Manggagawa (PM).
Sinabi ni Miranda na maganda ang naging hakbang ng Kamara na tanggalin ang confidential funds sa ilalim ng ilang ahensya kabilang ang Office of the Vice President subalit ang pakialaman pati ang healthcare system at tanggalan ng pondo ang PhilHealth ay malinaw na pasakit sa sektor ng kalusugan.
Binatikos ng koalisyon ang maling desisyon ng Congressional Bicameral Conference Committee na i-zero budget ang PhilHealth, giit ng grupo, labag ito sa batas at dapat na bawiin.
Umaasa ang koalisyon na ivi-veto ni Pangulong Marcos ang zero budget ng PhilHealth dahil mayroon itong malaking epekto sa healtcare system.
Samantala, ipinanawagan din ng grupo na tanggalin na si Herbosa bilang kalihim ng Department of Health (DOH), giit ni Miranda, imbes na suportahan ni Herbosa ang sektor ng kalusugan sa harap ng isyu ng zero budget ng Philhealth ay sinusuportahan pa nya ito.
Ipinaliwanag pa ni Miranda na nabigo rin si Herbosa bilang Chairman ng PhilHealth Board of Directors na pagandahin ang serbisyong DOH at PhilHealth.