Mary Jane umapela ng clemency kay Pangulong Marcos

Walang pagsidlan ang kagalakan ng OFW na si Mary Jane Veloso nang makita ang kanyang pamilya sa Correctional Institute for Women, Mandaluyong City kung saan siya idiniretso nang dumating sa bansa kahapon mula Indonesia matapos ang 14 taong pagkakakulong.
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Umapela si Mary Jane Veloso kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyan siya ng clemency upang tulu­yang makalaya.

Nakauwi nitong Miyerkules sa Pilipinas si Veloso matapos ang 14 taong nasa death row sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking.

Sinabi ni Veloso sa panayam sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong na masaya siyang nakauwi na sa bansa.

“Pakiusap ko sa ­Pangulo, sana bigyan na niya ako ng clemency,” ani Veloso.

Matatandaan na naaresto si Veloso sa paliparan ng Yogyakarta noong 2010 matapos mahulihan ng 2.6 kilong heroin at nahatulan ng parusang kamatayan.

Iginiit ni Veloso na inosente siya at biktima ng human trafficking. Hindi natuloy ang pagbitay kay Veloso matapos maaresto ang kanyang recruiter na nagpadala ng maleta na may lamang heroine.

Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na ang kaligtasan ni Mary Jane Veloso ay prayoridad ng gobyerno matapos ang kaniyang pagbabalik sa Pilipinas.

“We assure the Filipino people that Ms. Veloso’s safety and welfare is paramount and our agencies in the justice and law enforcement sector shall continue to ensure it, as our Indonesian counterparts have safeguarded it for so long,” ayon sa Pangulo.

Kaugnay nito, sinabi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na nasa jurisdiction na ng Pilipinas si Veloso kaya hindi imposibleng ma­bigyan ito ng clemency.

Sinabi rin ni Pimentel na dapat tawaging “Big Brother Indonesia” ang nasabing bansa dahil pinagbigyan ang kahili­ngan ng gobyerno tungkol kay Veloso.

Ipinunto rin ni Pimentel na hindi “palit-preso” ang ginawang hakbang ng Indonesia.

Show comments