MANILA, Philippines — Maaaring baliktarin ng Commission on Elections (Comelec) ang nauna nitong desisyon at payagan si Marikina Mayor Marcy Teodoro na tumakbo bilang kongresista sa unang distrito ng lungsod kung makakapagprisinta siya ng bagong argumento o ebidensya sa kanyang motion for reconsideration.
Ayon kay Comelec chairperson George Garcia, may mga pagkakataon sa mga nakaraang kaso na nabaliktad ang desisyon ng poll body base sa mga argumento o bagong ebidensiyang inilatag sa apela.
“Marami rin namang pagkakataon na pagkatapos makapagprisinta ng mga argumento sa motion for reconsideration ay puwedeng magkaroon ng reversal ang division,” ani Garcia.
“Ibig sabihin, puwede magbago naman ang isip ng mga nasa division. Hindi naman po siya porke’t bumoto, maaaring hindi lang may naliwanagan o maaaring may ebidensiyang hindi lang naiprisinta, ay pupuwede pong magkaroon ng pagbabago,” paliwanag niya.
Dagdag pa ni Garcia, ang pasya ng Comelec 1st Division na i-disqualify si Teodoro bilang kandidato ay hindi pa pinal at hindi pa puwedeng ipatupad, dahil ito’y dadaan pa sa motion for reconsideration.
“Kapag nag-file, hindi puwedeng ipatupad ang desisyon ng Komisyon. Therefore, kung iyan po’y aabutin sa printing ng balota, makakasama pa ang pangalan ni Mayor Marcy doon sa balota,” sabi niya.
Nagpahayag naman ng buong suporta ang mga residente ng Marikina City kay Teodoro, na nagsabing mananatili silang kakampi ng alkalde sa kabila ng kinakaharap na problemang legal.
“Tuloy ang laban. Huwag nating hayaang ang mga dayo ang mamuno sa ating lungsod na walang ginawa kundi siraan at pabagsakin si Mayor Marcy,” wika ng isang residente.
Trending din sa social media ang hashtag na #ISupportMayorMarcy, kung saan nagpahayag ng tiwala at suporta ang mga tagasuporta ni Teodoro.
Samantala, nangako naman si Marikina City 1st District Rep. Maan Teodoro na ipagpapatuloy ang laban at tututukan ang kapakanan at paglilingkod ng mga residente ng siyudad.