Proteksiyon ng mga pasahero ngayong holiday rush isinulong

MANILA, Philippines — Pinatitiyak ni Senador Win Gatchalian na mabibigyan ng proteksiyon ang mga pasahero ng mga taxi at tourist car transport services lalo ngayong panahon ng holiday rush.

Ito ang layon ng Senate Bill 819 o An Act Establishing the Rights of Passengers of Taxis, Tourist Car Transit Services, and Other Similar Vehicles for Hire, na isinampa niya ngayong 19th Congress.

Ayon kay Gatchalian, ang mga pampublikong transportasyon ay karaniwang kapaki-pakinabang at in demand tuwing rush hour, panahon ng kapaskuhan, tag-ulan, at dis-oras ng gabi kung kailan problema ang kaligtasan ng mga pasahero at kakulangan ng ibang paraan ng transportasyon.

“Nakita natin ang hindi mabilang na mga video at narinig ang mga nakakagalit na kwento ng mga pasaherong naging biktima ng mga abusadong driver ng mga taxi at iba pang sasakyang paupahan,” dagdag pa niya.

Sinabi ng mambabatas na tumataas ang ganitong mga insidente tuwing holiday season dahil sa pagdami ng pasahero na gumagamit ng taxi at iba pang pampublikong transportasyon. Bunsod nito, nagiging mahirap para sa mga commuter ang makahanap ng masasakyan habang dumarami ang mga driver na naniningil ng labis na bayad.

Binigyang-diin ng senador na ang ganitong mga insidente ay madalas na pinapalampas o hindi naaaksyunan dahil sa kakulangan ng mga batas na pumoprotekta sa mga commuter.

Show comments